Malubha ang kalagayan ng isang turistang Pinay nang ito ay mahagip ng rumaragasang frecciabianca bandang alas 4.30 ng hapon kahapon, ika-26 ng Pebrero sa Manarola station Cinque Terre, probinsya ng La Spezia, Liguria.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, mukhang lumampas ang biktima sa “yellow lines” at ng dahil sa bilis ng takbo ng frecciabianca na “in transito” sa Manatola station ay nahagip ito.
Nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo at sa parteng ibaba ng katawan ang biktima. Halos maputol umano ang paa nito sa sobrang lakas ng impact.
Agad namang rumisponde sa tawag ang isang rescue unit ng “Soccorso alpino” at dumating ang Delta 1 ng Pubblica Assistenza ng Vernazza.
Kahit malubha ang kalagayan ng biktima ay hindi ito nawalan ng malay at agad na nilapatan ng paunang lunas hindi mawalan ng maraming dugo. “Intubated” din ito. Sa request ng medical team ay lumapag ang Drago rescue helicopter, at mabilis na isinugod ang pasyente sa San Martino Hospital sa Genova.
Maliban sa kasarian at nasyonanlidad ng biktima ay wala ng inilabas pang ibang impormasyon ang mga alagad ng batas.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang aksidente at nirerepaso na ang CCTV footage sa lugar para madetermina ang naging sanhi ng aksidente.
Quintin Kentz Cavite Jr.