Roma, Disyembre 9, 2014 – Matagumpay na idinaos ang Mini-Forum on Diaspora Engagement nitong ika-30 ng Nobyembre sa General House ng FMM Sisters. Ang ENFiD European Network of Filipino Diaspora, sa pangunguna ni Monsignor Jerry Bitoon, ang nagsilbing tagapag-ugnay sa pagitan ng mga opisyales ng CFO Commission on Filipinos Overseas at ng mga lider ng Filipino Communities sa Roma.
Dumalo buhat sa CFO sina Dir. Regina Galias at Mr. Geronico Herrera, kasama si Mayor John Bongat ng Naga City. Kanilang tinalakay sa “Pag-uugnayan at Pagsasanggunian”, ang mga mahahalagang temang tulad ng BaLinkBayan (micro investment opportunities in the Philippines), PESO SENSE (Financial Freedom Campaign specifically developed for overseas Filipinos and the families left behind), at JMDI (Joint Migration Development Initiative). Ipinaliwanag ni Mayor John Bongat kung paano ang Overseas Filipinos ay binigyan ng matamang pansin at pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan at kung paano ang mga Pilipinong nasa ibayong dagat ay aktibong makakalahok sa mga kongkretong programa sa kaunlaran at kabuhayan sa lungsod ng Naga.
Sa kauna-unahang UGNAYAN SA ROMA, ay nabigyang daan din na maihayag ng halos isang daang mga lider ng iba’t ibang mga komunidad at samahang Pilipino ang mga hinaing ng mga migrante at kung paano posibleng bigyang solusyon ang mga ito upang higit pang mapaunlad ang antas ng buhay at kaalaman ng ating mga kababayan.
Hinikayat ng mga kinatawan ng CFO ang ENFiD Rome, mga lider at representante ng bawat Filipino Communities na kilanlin ang 3 priyoridad na mga gawain at lapatan ng konkretong aksyon at bigyan ng eksaktong palugit ng panahon na maisakatuparan ang mga ito bilang bahagi ng kongkretong bunga ng katatapos na mini-forum.
Pangunahin dito ay ang pagbuo ng lobbying core group, pagpaplano para sa UGNAYAN 2 na lubos pang magpapalalim ng pagtalakay sa mahalagang mga usapin na lumutang sa mini-forum, at ang pagtatatag ng ENFiD Youth na magbibigay tuon at masusing pansin sa mga usaping may kaugnayan sa batang migrante o second generation at sa mga anak na naiwan o ibinalik sa Pilipinas.
Malakas na ipinahayag ng mga dumalo na hindi sana mauuwi lamang sa usapan o mga salita ang maghapon sinakripisyo ng mga lider ng mga komunidad at samahang Pilipino. Nangako naman ang CFO at ang kinatawan ng Philippine Embassy sa Roma sa suporta para magkaroon ng katuparan ang mga binalangkas na programa.
Ang CFO (o ang Komisyon para sa mga Pilipino sa Ibayong Dagat, KPID) ay isang ahensya ng gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng Office of the President of the Philippines, ay may layuning makatulong sa pagtataguyod at pagpapatibay sa kapakanan ng mga Pilipinong emigrante at permanenteng residente sa labas ng bansang Pilipinas. Bukod dito layunin din ng naturang ahensya ang patibayin ang bigkis ng mga Filipino communities sa ibayong dagat.
ulat ni: Angela Benjamin
larawan ni: Gigi Borromeo
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]