in

#UNFAIR !

Unfair – di patas, di makatwiran, makaisang panig o madaya. Iyan lamang ang ilan sa mga pwedeng ipakahulugan sa salita. Ngunit may nabubuong bagong pakihulugan sa “UNFAIR” na acronym – ito ay ang Ugnayan ng Nagkakaisang Filipino na ang Adhikain ay Ipatigil ang Renewal Center o PaRCs.



Ano-ano nga ba ang dahilan ng mga pinuno ng samahan at nais nilang ipabasura ang kontrata na pinasok ng DFA sa BLS? 



1. Batay sa mga pagtaya, mas malaki ang populasyon ng mga OFW sa hurisdiksyon ng Philippine Consulate sa Milano kumpara sa Embahada sa Roma. Bagama’t hanggang 1:30 lamang ng tanghali ang bukas ng PCG Milan, lumalabas na wala silang backlog. Sistematiko nilang natutugunan ang pangangailangan ng mga migrante sa Hilagang Italya gamit ang teknolohiya para ayusin ang appointment ng mga nais mag-renew ng passport. 

Gayong kapwa napailalim sa mahigpit na hagupit ng Pandemya ang dalawang tanggapan. Bakit nga kaya, isang palaisipan na kayo na ang sumagot.


2. Sa tinatayang 200 libong OFW sa buong Italya, matatandaan na ang 10 taon bisa ng pasaporte ay naipagkaloob ng taong 2017. Samakatwid, apat na taon na ang nakalipas.

3. Nagkaroon ba ng public bidding at sino-sino ang lumahok dito? Sino sa mga pribadong entidad na ito ang nag-alok ng pinakamahusay na sistema, abanteng teknolohiya na di mananakaw (hack) o pinakamababang presyo ng serbisyo? Naisapubliko ba ang impormasyon na ito at nakonsulta ba ang mga nasasakupan o kliyenteng ofw’s sa kanilang hakbang at desisyon na ginawa? 

Kung naisagawa ang mga rekisitos na ito, bakit hindi nakaabot sa kaalaman ng mga pamilya at mga manggawa ang bagay na ito gayong sila ang pangunahing apektado sa kontratang pinasok ng ahensya?

4. Presyo. Tumataginting na 35.00 euro ang convenience fee, appointment fee na 20.00euro, assistance fee na 10.00 euro, revolving fee na 4.50 euro, sms fee na 2.00 euro at 1.00 na halaga ng xerox. Ngayon, kung ikaw ay nakatira sa Isla o taga-malayong rehiyon, kailangan mo marahil  na kumuha kuryer na 40.00 euro ang bayad o shipping fee.

Kung atin pag-aaralan, ang 54 euro na halaga ng passport ay triple sa halaga ng passport na ibinebenta sa Pinas ( P900.00 – P1,200). Pero Ok lang, para naman sa Bayan. Pero kung dadagdagan pa ito ng halos 200% na taas ng bayarin – UNFAIR di ba?

5. May isang OFW sa Empoli Tuscany ang naging biktima ng identity theft. Ibig sabihin may gumamit ng datos o impormasyon na makikita sa lahat sa pasaporto. Nangyari ito noong wala pang PaRCs, gobyerno pa ang nangangasiwa ng lahat. 

Ang nakikitang problema, pribado ang magpoproseso ng pasaporte. Kukuha ng iyong mga file, magsasagawa ng bio metric, maglalagay sa envelop ng mga dokumento at magpapadala sa DFA. Kaya alinman sa mga proseso na ito maaring mangyari ang ating kinatatakutan.

Ngayon, kung mangyari ito at ‘wag naman sana – sino sa dalawang institusyon ang ating hahabulin? Sino ang aako ng pananagutan?

6. Optional. Ito ang sinasabi sa pabatid ng Embahada sa Roma. Totoo naman na may pagpipilian, sino ba may sabi na wala. Kaso, siguradong pipili ang mga tao ng mabilis na serbisyo. Lalo na kung di makakuha ng mabilis na iskedyul para sa renewal ng kanilang passport sa Embahada. 

Dagdag pa kung may emergency sa kanilang pamilya na uuwian sa Pilipinas, maliit na negosyong dapat asikasuhin, graduation ng mga anak o kaya ay kasal at iba pang importanteng lakad pabalik ng Pilipinas, magrerenew ng Permit of Stay at iba pang mga katulad na halaga. 

Kaya retoriko lang na may “option”, kasi wala naman talaga. Kasi, sa pagitan ng mabilis at mabagal na serbisyo – kakapit ka sa patalim. May mga ofw pa nga na nagsasabi na doon sila ipinapasa sa PaRCs.


7. Nagtataka ang maraming OFW, nasa kategorya na “Bianco” ang Italya pero wala pa rin Consular Mobile Outreach na isinasagawa. Samantalang ang ibang nasyon ay nagkaroon na. Ikinakatwiran na may mga DPCM na dapat sundin. Mga restriksyon na nagbabawal sa kanila na lumabas ng kanilang tanggapan.

Ang totoo, may mga istruktura na maaring pagdausan ng Outreach tulad ng Basketball Court, malalaking gymnasium o gusali na matatas ang kisame at maraming bintana. At ito ay pinapayagan na basta susundin ang mga protokol tulad ng isang metrong distansya, paghuhugas ng alkohol, may malinaw na iskedyul ng dating ng mga tao at malaki ang establisyimento. Kaya natin nasasabi ito, nagpapaliga na nga ang mga kominidad ng Pilipino at libo-libo na ang nanonood ng Soccer.


8. May mga Honorary Consulate Office naman, bakit hindi imaksimisa. Ang nakasaad lang naman sa Section 37, Diplomatic and Consular Passports, na hindi sila awtorisado na umakto sa pagagawad  ng pasaporto, magbigay ng ekstensyon o muling patunayan ang bisa ng isang pasaporte. 

Pero ang pagpapagaan, pagpapahusay, pagpapabilis ng serbisyo para sa renewal ng passport ay walang nakasulat na hindi maaring gawin ng konsulato. 

9. Magdagdag ng empleyado ang Embahada. Isa itong rekomendasyon na matagal ng ipinapaabot ng mga komunidad. Bagay na ngayon, ang tanging sagot ay ang usapin ng resiprosidad sa bansang Italya.

Ilan lamang ito sa mga dahilan bakit isinilang ang UNFAIR. Dahil ang serbisyo ay hindi dapat ipinapaubaya sa pribadong sektor. Tungkulin at obligasyon ito ng ating Gobyerno sa mamamayan. 

Ang pribatisasyon at komersyalisasyon ng serbisyo ay magpapahirap sa mga OFW na naapektuhan bunga ng Pandemya. Taliwas ito sa Misyon at Bisyon ng Departamento na pagsilbihan, pangalagaan, proteksyonan ang kanyang mamamayan sa labas ng Pilipinas.

Kaya UNFAIR! 


(Ibarra Banaag)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

B1 level sa Italian citizenship, paano patutunayan? Sino ang mga exempted dito?

Super Green Pass, aprubado!