Ang domestic job katulad ng ibang uri ng trabaho ay kailangang regular. Narito ang mga parusang haharapin ng employer sa kaso ng ‘lavoro nero’.
Ang caregiver at colf, tulad ng ibang mga workers ay kailangang regular ang hiring at ideklara sa Inps. Ito ay isang obligasyong nakaatang sa mga employers at hindi sa colf o caregiver. Kung ito ay hindi gawin o sundin ng employer ay siya ang responsable sa ‘lavoro nero’.
At dalawa ang paglabag na napapaloob dito: ang kawalan ng comunicazione dell’assunzione o communication of hiring at ang hindi pagpapatala sa Inps.
Sa unang paglabag, ang hindi o naantalang komunikasyon ng hiring sa Inps ay may angkop na administrative sanctions na nagkakahalaga mula €200 hanggang € 500 para sa bawat worker;
Sa ikalawang paglabag, ang hindi pagpapatala sa Inps, na resulta ng unang paglabag, ang Provincial Labor Office ay maaaring patawan ang employer ng multa mula € 1,500 hanggang €12,000 para sa bawat worker na ‘lavoro nero’, at nadadagdagan ng €150 para sa bawat araw na nag-trabaho at kasama pa ang ibang administrative and civil sanctions laban sa lavoro nero.
Ang employer ay pananagutan din ang hindi pagbabayad sa kontribusyon para sa social security ng worker. Ang multa ay katumbas ng 30% hanggang 60% batay sa kalkulasyon ng yearly contribution at €3,000 ang pinakamababang halaga gaano man katagal ang trabaho. Kahit isang araw pa lamang nagta-trabaho ng ‘nero’ ang worker, ang employer ay maaaring patawan ng €3,000 multa.
Ang multang ito ay idadagdag sa nabanggit sa itaas na mga sanctions.
Kung ang pagbabayad ng kontribusyon ay naantala ng hindi lalampas sa 12 buwan, ang multa ay mababawasan hanggang 40% ng halagang dapat bayaran sa quarterly payment.
Samantala, kung ang colf o caregiver ay wala ring permit to stay, ang employer ay maaaring parusahan ng pagkakabilanggo mula 3 buwan hanggang 1 taon at multa ng €5,000 kada worker.