Isang bagong ayuda mula sa gobyerno ng Italya ang matatanggap pati ng mga dayuhan sa bansa na nasa sitwasyon ng pangangailangang pinansyal sanhi ng pagtaas ng mga bilihin, partikular ng pagkain. Ito ay ang Carta Risparmio Spesa 2023
Sino ang makakatanggap ng Carta Risparmio Spesa 2023?
Ang Carta Risparmio Spesa 2023 ay isang prepaid debit card na nakalaan sa tinatayang 1.3 milyon katao sa bansa, na makakatugon sa mga requirements na itinalaga ng batas.
Partikular, narito ang mga pangunahing requirements ng Carta Risparmio Spesa 2023
- Nakatala bilang residente ang lahat ng mga miyembro ng pamilya sa Anagrafe della Popolazione Residente;
- Ang ISEE o Equivalent Economic Situation Indicator ay katumbas o mas mababa sa €15,000;
- Ang pinakamababang bilang ng miyembro ng pamilya ay tatlo.
Ang Carta Risparmio 2023 ay katulad ng dating ‘buoni spesa’ mula Comune, noong panahon ng pandemic. Ang rechargeable debit card ay simulang i-aactivate simula July 18, 2023. Bukod dito, kumpirmado na hindi nangangailangan ang anumang aplikasyon upang ito ay matanggap.
Sino ang may prayoridad makatanggap ng Carta Risparmio Spesa 2023?
Ang mga pamilya, partikular ang mga:
- may menor de edad na ipinanganak sa pagitan ng mga taong 2005 hanggang 2009;
- mas mababa ang ISEE kaysa sa €15,000 at
- iniulat ng social services na tunay na may pangangailangan
ay bibigyan ng prayoridad sa pagtanggap ng Carta Risparmio Spesa 2023
Sa katunayan, natukoy na ng INPS ang bilang ng mga benepisyaryo ng Carta Risparmio Spesa 2023 sa mga pangunahing lungsod sa bansa:
- 31.307 Comune di Napoli;
- 30.271 Comune di Roma,
- 20.309 Comune di Palermo;
- 15.000 sa Milano,
- 12.000 sa Catania,
- 9.000 sa Torino.
Halaga ng Carta Risparmio Spesa 2023
Ang halaga ng Carta Risparmio ay € 382.00 bawat pamilya at ito ay matatanggap isang beses lamang. Ang Comune kung saan residente ang magbibigay komunikasyon ukol sa pagiging benepisyaryo, pati ang paraan kung paano ito matatanggap mula sa post office ang rechargable debit card. Samantala, ang ISEE ay direktang ipadadala ng Inps sa mga Comune hanggang noong nakaraang July 5, 2023.
Tandaan na hindi kailangan ang magsumite ng anumang aplikasyon. Ang prepaid debit card ay matatanggap sa paraang itinalaga ng Comune kung saan residente ang benepisyaryo. Ipagbibigay-alam ng Comune angcard number at ang halaga nito sa pamamagitan ng isang liham na ipapadala sa bahay ng benepisyaryo.
Ang card ay may pangalan at para maiwasan ang deactivation nito ay dapat simulang gamitin ito bago ang Setyembre 15, 2023.
Sino ang mga hindi makakatanggap ng Carta Risparmio 2023?
Hindi makakatanggap ng Carta Rispamio 2023 ang mga pamilya na may miyembro na tumatanggap ng:
- Reddito di Cittadinanza;
- Cassa Integrazione;
- NASPI o DISCOLL;
- Fondi di solidarietà per l’integrazione del reddito;
- Indennità di mobilità at anumang uri ng ayuda bilang karagdagan sa sahod mula sa gobyerno. (PGA)
Basadin din:
- Carta Risparmio 2023, narito ang mga dapat malaman
- Carta Risparmio Spesa 2023, ano ito at sino ang makakatanggap nito?