Lalong nagiging mahirap ang tracing dahil ang kaso ng Covid19 ay padami ng padami sa araw-araw sa mga paaralan, mga tanggapan at maging sa mga pamilya.
At tunay naman na nakakabigla kapag nalaman ang posibleng pagkakaroon ng contatto stretto sa isang taong nag-positibo sa virus.
Ano ang ibig sabihin ng ‘contatto stretto’?
Ang contatto stretto ay karaniwang isang tao na naging malapit o nagkaroon ng close contact sa taong positibo sa panahong mula 48 hours bago at 10 araw makalipas mawalan ng sintomas ng Covid19.
Ang pagkakaroon ng close contact ay tumutukoy sa mas mababa sa 1 metrong distansya.
Mahalagang maintidihan ang haba ng panahon ng contact: tinutukoy na stretto kung ang pagiging malapit sa isang tao ay hindi bababa ng 15 minuto.
High risk ang contatto stretto sa isang tao kung:
- Kasama sa bahay ang isang positibo;
- Naging mas malapit kaysa sa distansya ng 1 metro ng higit sa 15 minutos;
- Nagkaroon ng physical contact tulad ng shake hands;
- Kasamang nag-biyahe sa treno, bus o airplane na mas malapit kaysa sa 1 metro sa isang taong positibo.
Low risk naman ang contact sa isang tao kung:
- Pinanatili ang distansya ng 1 metro;
- Sa oras ng contact ay may suot na mask.
Narito ang dapat gawin sa kaso ng ‘contatto stretto’ sa isang positibo sa virus.
Ito ay para din sa pamilya kung saan mayroong nag-positibo na miyembro ng pamilya.
- Quarantine ng 10 araw;
- I-isolate ang sarili sa loob ng isang silid;
- Gumamit ng sariling plato, tasa, kubyertos. Pati computer, ballpena at iba pa;
- Palaging pahanginan ang silid o ang lugar kung saan madalas nananatili;
- Magsuot ng mask kung makakasalamuha ang mga kasama sa bahay;
- Panatilihin ang distansya ng 1 metro kung makakasalamuha ang mga kasama sa bahay;
- Kunin ang body temperature 2 beses sa isang araw. Bantayan ang kalusugan at maging maingat sa mararamdaman;
- Magsuot ng disposable gloves tuwing pupunta ng banyo, lalo na’t kung iisa lamang ang banyo sa bahay;
- Gumamit palagi ng spray disinfectant tuwing pagkatapos gamitin ang banyo, pati na rin sa door knob, sindihan ng ilaw at lahat ng bahagi na hinahawakang madalas.
Makalipas ang 10 araw na quarantine ay maaari ng magpa-tampone o swab test.
Kontakin ang medico di base at humingi ng impegnativa para sa tampone molecolare. Ang 15 digit number ng impegnativa ay kinakailangan para sa pagpapa-schedule ng tampone sa drive in o walk in. Matapos bigyan ng schedule ay ibibigay din ang isang password para makuha ang resulta ng tampone ilang araw makalipas gawin ito.
Kung positibo, mananatili ulit sa isolation ng karagdagang 10 araw at pagkatapos ay uulitin ang tampone. Kung muling lalabas na positibo, ngunit wala ng sintomas, magtatapos ang isolation sa ika-21 araw.