Ang ferie o bakasyon ay isa sa mga karapatang inaabangan ng mga colf at badante.
Hindi mahalaga kung ilang oras ang trabaho: part time o full time man, kada taon ng serbisyo ng paglilingkod sa employer, ay mayroong karapatan sa 26 days bilang bakasyon ang mga colf, kasama ang araw ng Sabado (at hindi kabilang ang araw ng Linggo at ang mga pista opisyal sa working days).
Paano kung ang araw ng ferie ay nagamit na dahil sa Covid-19?
Ang mga colf at badante na nagamit na ang mga araw ng ferie ay maaari pa ring mag-bakasyon kung kanilang kakailanganin. Ito ay maaaring isasaalang-alang na ‘assenza con permesso non retribuito’ o hindi bayad na pagliban ngunit may pahintulot.
Ipinapaalala na sa panahong ito ay hindi makakatanggap ang worker ng sahod at maging ang pagbabayad ng kontribusyon sa panahong ito ay hindi isang obligasyon para sa employer. At kung ang labis na araw ng bakasyon ay hihigit sa 15 araw sa isang buwan, ay hindi rin magma-matured ang 13th month pay, ferie at TFR.
Gayunpaman, ang labis na araw ng bakasyon, bagaman may pahintulot mula sa employer, ay dapat na napagkasunduan ng pareho upang matugunan ang pangangailangan ng bawat isa at maiwasan ang hindi pagkakasunduan sa pagitan ng employer at worker.
Kung sakaling ang employer naman ang nagkaroon ng hadlang upang papasukin sa trabaho ang colf, ang huling nabanggit ay makakatanggap pa rin ng regular na sahod, maliban na lamang kung nanaisin ng colf na gamitin ang panahong ito bilang kanyan ring bakasyon. (PGA)