Ang sinumang ipinanganak, lumaki at regular na nanirahan sa Italya ay maaaring mag-aplay ng Italian citizenship sa pagsapit ng 18 anyos. Dahil ang mga ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay hindi awtomatikong Italian citizen bagkus ay nananatili ang citizenship ng mga magulang hanggang sa pagsapit ng 18 taong gulang.
Ang mga dayuhang ipinanganak sa Italya ay may karapatang magkaroon ng italian citizenship kung matutugunan ang mga sumusunod na requirements:
- Ipinanganak sa Italya,
- Tuluy-tuloy na pagiging residente sa bansa ng 18 taon sa Italya (art. 4 com. 2 L.91/92),
- Gagawin ang Dichiarazione della volontà para magkaroon ng italian citizenship, isang taon makalipas ang pagsapit ng 18 anyos.
Kinikilala ng batas sa Italya ang karapatan sa citizenship sa mga ipinanganak sa Italya na mapapatunayan ang pagkakaroon ng tuluy-tuloy na residenza hanggang sa pagsapit ng 18 anyos.
Ang requirement ng tuluy-tuloy na paninirahan sa Italya hanggang sa pagsapit ng ika-18 taong gulang, ay maaaring patunayan sa pamamagitan ng:
- Sa pamamagitan ng sertipiko ng pagpapatala (certificato di iscrizione anagrafica),
- Sa pamamagitan ng iba pang angkop na tulad ng mga medical certificates, school certificate, mandatory vaccination certificate.
Gayunpaman, ang pagkaantala sa pagpapatala ng mga magulang sa kanilang mga anak sa anagrafe o ang tinatawag na iscrizione anagrafica na maaaring maging sanhi ng kakulangan sa 18 taong tuluy-tuloy na paninirahan sa Italya ay hindi maaaring maging dahilan ng pagtanggi sa aplikasyon ng italian citizenship.
Ito ay nilinaw ng Ministry of Interior sa Circular ng n. 22/07 noong November 7, 2007, kung saan nasasaad na hindi dapat maapektuhan ng pagkaantala sa pagpapatala ng mga magulang ang aplikasyon sa italian citizenship ng kanilang mga anak.
Ayon sa artikulo 4, talata 2 ng batas sa Pagkamamamayan bilang 91/92: “ang dayuhan na ipinanganak sa Italya na regular at tuluy-tuloy na residente hanggang sa pagsapit ng ika-18 taong gulang, ay nagiging mamamayang italyano kung ide-ideklara ang pagnanais na maging mamamayang italyano sa loob ng isang taon”.
Ayon sa talata 2 artikulo 33 ng Batas 98 ng Agosto 9, 2013, ay nasasaad ang obligasyon ng Civil Officer ng Comune ang magpadala ng komunikasyon sa dayuhan anim na buwan bago sumapit ang ika-18 anyos sa address kung saan residente ang dayuhan. Dito ay nasasaad ang mga impormasyon kung paano at anu-ano ang mga requirements sa pagiging naturalized italian citizen sa pamamagitan ng Dichiarazione di volontà na kailangang gawin sa Civil Officer bago sumapit ang ika-19 na taong gulang.
Gayunpaman, makalipas ang labindalawang (12) buwang palugit ng batas, ang mga kabataang ipinanganak sa Italya ay may karapatan pa din sa italian citizenship ngunit ito ay may ibang proseso na dapat sundin.