Tulad ng unang inilathala ng Ako ay Pilipino, ang mga pamilya na nagsumite na ng aplikasyon para sa Assegno Unico Universale, at nakakatanggap na ng nabanggit na benepisyo hanggang sa kasalukuyan ay magpapatuloy na makatanggap nito at hindi na kakailanganin pa ang mag-aplay para sa renewal para sa taong 2023. Nananatiling obligasyon, gayunpaman, ang pagre-renew ng ISEE upang matanggap ang buong halaga ng Assegno Unico.
Sakaling hindi nakapag-renew ng ISEE hanggang February 28, patuloy pa ring matatanggap ang benepisyo ngunit minimum ang halagang matatanggap o €50,00 kada buwan para sa bawat anak hanggang 21 anyos.
Tandaan na may pagkakataon hanggang June 2023 upang gawin ang ISEE at ito ay magpapahintulot upang matanggap ang mga ‘arretrati’ batay sa bagong halaga ng ISEE.
Halimbawa, kung ang pamilya ay nakapag-renew ng ISEE sa buwan ng Mayo at may karapatan sa buwanang benepisyo na €175,00. Ang matatanggap lamang na halaga ng assegno unico ay €50,00 para sa buwan ng March at €50,00 para sa buwan ng April.
Simula May ay makakatanggap ang pamilya ng buong halaga ng assegno unico at may karagdagang halaga para sa dalawang buwan na €50,00 lamang ang natanggap, o € 125,00 (175 – 50 = 125 X 2)
Samantala, kung ang ISEE ay mare-renew makalipas ang June 30, ito ay magpapahintulot na matanggap ang tunay na halaga ng assegno unico simula sa buwan ng July at hindi na matatanggap pa ang mga ‘arretrati’ sa mga nakalipas na buwan.