Magandang umaga po. Ako ay isang colf sa Italya. Ako ay 66 anyos ngunit 18 taon po lamang ang aking kontribusyon sa Inps. Ayon po sa ilang kababayan, maaari kong boluntaryong bayaran ang kontribusyon, ang tinatawag na ‘contributi volontari’, upang ma-kumpleto ang required contributions para sa retirement pension o pensione di vecchiaia. Ano po ang dapat gawin?
Mayo 19, 2017 – Ang lahat ng mga manggagawa ay maaaring boluntaryong magbayad ng kontribusyon – contributi voluntari – sa Inps matapos tumigil mag-trabaho, upang makatugon sa required contributions sa pagreretiro o upang makatugon sa 20 taon ng kontribusyon. Ang pagbabayad ng boluntaryong kontribusyon ay pinapahintulutan rin upang madagdagan ang halaga ng pensyon, kahit kumpleto na ang kinakailangang kontribusyon.
Ang pagbabayad ng boluntaryong kontribusyon ay mahalaga upang mapangalagaan ang posisyon ng manggagawa, lalong higit sa mga kaso kung saan ang worker ay hindi nagkaroon ng anong uri ng trabaho – subordinate man o self-employed, o sa kasong tumigil sa pagbabayad nito sa kadahilanang pampamilya o pag-aaral, o pagta-trabaho bilang part-time ng anumang uri.
Sa pagbabayad ng boluntaryong kontribusyon, ay kinakailangan ang awtorisasyon buhat sa Inps. Kung isang subordinate worker, ang awtorisasyon ay ibinibigay lamang kapag tapos na ang employment o kung ang paghinto sa trabaho ay dahil sa partikular na dahilan tulad ng pampamilya, pagkakasakit at iba pa. Maging ang mga worker na kabilang sa ‘gestione separata’ o ang mga ‘parasubordinato’ at ang mga self-employed na hindi nakatala sa Inps ay maaaring humingi ng awtorisasyon upang makapagbayad ng ‘contributi volontari’.
Ang awtorisasyon ay pinahihintulutan kung may limang taong bayad na kontribusyon, anuman ang panahong pinagbayaran nito o kahit 3 taon ng kontribusyon sa limang taong nakalipas bago ang pagsusumite ng request. Ang direktang akreditasyon ng Inps sa panahon ng hindi pagbabayad o ang pagbabawas sa oras ng trabaho dahil sa sakit, pagkawala ng trabaho at iba pa ay hindi kasama sa bilang.
Bukod dito, ang awtorisasyon ay ibinibigay rin sa kasong may 4 na taong bayad na kontribusyon kung ang worker ay kabilang sa ‘gestione separata’ dahil may kontrata na part-time. Sa ganitong kaso ang pinagbayaran ay sakop o maidadagdag sa panahong may ganitong uri ng kontrata.
Ang aplikasyon ay maaaring isumite sa 3 paraan lamang:
- Online sa www.inps.it sa sinumang mayroong PIN;
- Sa sinumang hindi ito magagawa online ay maaaring tumawag sa Contact Center sa 803164 (libre sa landline) o 06/164164 (sa mga mobile);
- Sa mga authorized na patronati o institusyon na maaaring makatulong sa pagsusumite ng aplikasyon.
Ang halaga na babayaran sa boluntaryong kontribusyon ay nag-iiba depende sa uri ng trabaho at ang paraan ng pagbabayad ay nag-iiba rin depende sa mapipili ng aplikante sa pagsusumite ng aplikasyon. Matapos bayaran ang kabuuang boluntaryong kontribusyon na kinakailangan, ang aplikante ay maaaring magsumite ng aplikasyon para sa pagreretiro o pensione di vecchiaia.
Mangyaring tandaan na ang retirement pension ay ibinibigay mula sa unang araw ng sumunod na buwan matapos matugunan ang mga kinakailangang requirements na itinalaga ng batas tulad ng itinakdang edad at ang parehong panahon ng social security at kontribusyon. Batay sa request ng aplikante ay maaaring ang pensyon ay matanggap mula sa unang araw ng sumunod na buwan kung kailan isinumite ang aplikasyon.
Ipinapaalala rin na sa panahon ng pagsusumite ng aplikasyon para sa retirement pension ang aplikante ay hindi na maaaring magtrabaho bilang subordinate worker ngunit maaari pa ring magtrabaho bilang self-employed.