Ang mga colf, caregivers at babysitters ay kumakatawan sa 1,25% ng Pil (GDP). Ngunit 60% sa kabuuang bilang na 2 milyong nasa domestic job ay pawang mga irregulars o nasa ‘lavoro nero’.
Sa kasamaang palad, sa kasalukuyan ang lavoro nero ng mga colf, babysitters at caregivers ay isang reyalidad ngunit tandaang nananatiling isang obligasyon sa batas ang paghahabla dito.
Totoong malaki ang pangangailangan at marami ang nangangailangan kung kaya’t tinatanggap ang mga sitwasyong may mababang sahod, walang regular na kontrata, walang proteksyon sa kalusugan at walang kasiguraduhan ang social security.
Ngunit ito ay tila natatanging solusyon para sa maraming mamamayan: Italyano o dayuhan man na may pangangailangang pinansyal at ito ay naman ay ang ginagamit na pamamaraan ng employer upang makatipid at ang makatakas sa pagbabayad sa mataas na buwis.
Sa ganitong mga sitwasyon din nagmumula ang pananamantala o exploitation sa mga workers tulad ng kawalan ng benepisyo, bakasyon o pahinga at pananakot naman mula sa employer.
Ngunit may mga pagkakataon rin na worker ang may nais ng lavoro nero dahil sa maraming dahilan: una na dito upang hinid mahinto ang natatanggap na unemployment benefit.
Samakatwid, ang lavoro nero ay tuwirang isang paglabag sa batas at pinsala naman sa karapatang pantao, na nag-iiwan ng danyos sa dignidad at personalidad, mainam na alamin ang mga hakbang na dapat gawin upang maipaglaban ang mga karapatan:
- Ihabla ito o mag-denuncia sa Ispettorato del Lavoro, sa kinabibilangang Direzione Provinciale del Lavoro;
- Sa denuncia ay kailangan malinaw ang lugar o address kung saan nagta-trabaho, oras ng trabaho, ang uri ng trabaho, kailan nagsimula sa trabaho at halaga ng sahod;
- Ilakip ang anumang mga patunay ukol sa trabaho, halimbawa kung may pinirmahan sa pagtanggap ng sahod o anumang dokumentasyon ukol sa kasunduan at pagkakaroon ng posibleng testigo.
- Ang denuncia ay maaaring gawin ng anonymous.
Sa puntong ito, ang Ispettorato del lavoro, pagkatapos ang mga pag-susuri ay tatawagin ang employer sa kanilang tanggapan at susubukang pagkasunduin ang dalawang partes.
Isang opsyon din ang ‘vertenza sindacale’ o ang paglapit sa Sindacato o unyon. Tulad din ng Ispettorato di Lavoro ay tatawagin nila ang employer upnag subukang pagkasunduin ang dalawang partes, maaaring sa tulong na din ng Ispettorato di lavoro at Inps at Inail.
Sa kasong mabigo sa mga hakbang na nabanngit, ang colf o badante ay kailangang lumapit sa Giudice del lavoro.