Tulad ng unang inilathala ng Ako ay Pilipino ay mabagal ang usad sa pagproseso ng mga aplikasyon ng nakaraang Regularization o Sanatoria o Emersione sa Italya. Dahil kung bakit marami ang nagnanais malaman ang estado ng aplikasyon.
Paano malalaman ang estado ng aplikasyon ng Regularization?
Sa website ng Ministry of Interior, sa pamamagitan ng SPID na ginamit sa pagpapadala ng aplikasyon, ay maaaring malaman ang estado nito. Ang SPID ay maaaring sa employer o sa CAF o ng sinumang nagpadala ng aplikasyon, ngunit hindi maaaring gamitin ang SPID ng worker
Sa seksyon ng Pratica online, ay makikita ang iba’t ibang opsyon tulad ng Visualizza lo stato della pratica, Stapa del Nullaosta, Visualizza Codice Fiscale at Comunicazione Obbligatoria.
Piliin ang unang opsyon ‘Visualizza lo stato della pratica’ na magpapahintulot na makita ang estado ng aplikasyon. Maaari ring makita sa seksyong ito ang codice provissorio ng dayuhan sa pamamagitan ng ospyong ‘Visualizza Codice Fiscale’.
Pagkatapos ay makikita ang estado ng aplikasyon at anumang improvement nito sa papalapit na pagpirma sa contratto di soggiorno.
Parere della Questura
Ang Questura ang may obligasyong suriin ang pagiging mapanganib at pagkakaroon ng anumang kaso sa nakaraan ng parehong dayuhan at employer.
Sa kasong nagkaroon ng decreto di espulsione ang worker ay susuriin ng Questura kung ang expulsion ba ay kabilang sa administrative o bilang threat sa public order.
Parere dell’Ispettorato Territoriale del Lavoro o ITL
Ang Ispettorato del lavoro ay may obligasyong suriin ang antas, lebel, oras ng trabaho at ccnl ng bawat aplikasyon. Obligasyon ding suriin ang sahod ng employer batay sa limitasyong hinihingi ng batas at ang paghingi ng karagdagang sahod sa pamilya ng employer hanggang ikalawang grado kung kinakailangan.
Karagdagang dokumentasyon
Karaniwang ito ay tumutukoy sa kakulangan ng sahod ng employer.
Ang request ng karagdagang dokumentasyon ay ginagawa sa pamamagitan ng aviso 10 bis na may deadline ng 20 araw lamang. Sa ganitong pagkakataon ay kinakailangan ang mabilis na pagtugon sa matatanggap na komunikasyon.
Rejected
Maaaring magresulta ng negatibo ang pagsusuri sa sahod. Ito ay maaaring isang pagkakamali sa paglalagay ng halaga ng sahod ng employer o maaaring ang employer ay mayroong ibang worker na ginawan ng aplikasyon ng Regularization. Sa ganitong kaso ay makikitang nakasulat ang preavviso di rigetto.
Convocazione per la firma del contratto di soggiorno
Ang convocazione o appointment mula sa Sportello Unico para sa aplikanteng employer at dayuhan ay ginagawa ng Prefettura matapos malampasan ang mga naunang hakbang na nabanggit sa itaas.
Ang hindi pagpunta ng personal sa appointment na ibibigay ng Prefettura ay magiging sanhi ng archiviazione o dismisal ng aplikasyon. Tanging dahilan ng pagpapaliban ng appointment ay ang kawalan ng pasaporte ng dayuhan at naghihintay ng releasing nito mula sa embahada.
Sa puntong ito ay pipirmahan na ang contratto di soggiorno. Pagkatapos ay dadalhin ang kit postale sa poste italiane. Matatanggap mula sa poste italiane ang petsa ng fingerprinting sa Questura. Sa araw ng fingerprinting para sa first issuance ng permesso di soggiorno ay kailangang dalhin ang original ng resibo mula sa poste italiane, original passport at ID pictures.