Simula bukas, February 1, ay walang rehiyon sa ilalim ng restriksyon ng zona rossa. Limang rehiyon ang nasa ilalim ng zona arancione at ang iba pang mga rehiyon ay sa ilalim naman ng zona gialla. Anu-ano ang mga pagbabago sa pagpunta sa ibang rehiyon sa zona aranione at zona gialla?
Sirkulasyon sa loob at labas ng rehiyon
Sa zona gialla at zona arancione ay may pahintulot mula 5am hanggang 10pm ang sirkulasyon o movement sa loob ng sariling rehiyon. Nananatiling ipinatutupad ang pagbabawal sa pagpunta sa ibang rehiyon tulad ng nasasaad sa huling DPCM, DL ng Jan 14 na may bisa simula Jan 16 hanggang Feb 15, 2021.
“Sa bansa ay ipinagbabawal ang paglabas at pagpasok sa mga rehiyon. Maliban na lamang kung ang dahilan ay trabaho, kalusugan at pangangailangan. Gayunpaman, ang pagbalik sa sariling tahanan o residenza ay palaging pinahihintulutan“.
Sa DPCM na nabanggit, ay nasasaad na mula Feb 16 hanggang Mar 5, ay ibabalik ang pahintulot sa pagpunta sa ibang rehiyon (maliban na lamang sa kasong magpatupad ulit ng panibagong restriksyon).
Samantala, hanggang March 5 naman ay mananatili ang pagpapatupad ng curfew mula 10pm hanggang 5am sa buong bansa at ang tanging dahilan lamang ng trabaho, kalusugan at pangangailangan ang pinapahintulutang dahilan ng paglabas ng bahay.
Ipinapaalala na sa mga zona arancione ay pinahihintulutan ang sirkulasyon sa loob lamang ng sariling Comune. May pahintulot ang paglabas ng Comune kung ang dahilan ay trabaho, kalusugan at pangangailangan.
Tandaan ang paghahanda ng Autocertificazione.
Pagbubukas ng mga bar at restaurants sa zona gialla
Sa mga zona gialla ay muling magbubukas ang mga bar sa publiko mula 5am hanggang 6pm. Samakatwid, kahit for dine in. At mula 6pm ay for take out na lamang. Kahit ang mga restaurants ay magbubukas na rin sa publiko hanggang 6pm. Pagkatapos ay for take out at home deliveries na lamang.
Sa mga zona arancione, ang mga bar at restaurants ay bukas lamang for take out at home deliveries hanggang 6pm.
Magbubukas na din ang mga museums sa zona gialla, mula Monday hanggang Friday.
Ang mga malls o centri commerciali ay mananatiling sarado tuwing prefestivi at festivi tulad ng Saturday at Sunday. Mananatiling bukas ang farmacia, tabaccheria, edicole at supermercato lamang, sa loob ng mga malls.
Simula sa Lunes, Feb 1, 2021, ang mga Scuola Superiore ay magbabalik eskwela sa buong bansa, maliban sa Sicilia na magbabalik eskwela sa susunod na linggo. (PGA)