Ang Permessi 104 ay isang benepisyo na ibinibigay sa Italya sa sinumang mayroong contratto di lavoro dipendente. Ito ay isang karapatan na nagbibigay pahintuot na lumiban sa trabaho upang alagaan ang isang miyembro ng pamilyang may kapansanan.
Ito ay tumutukoy sa pahintulot ng 3 araw sa isang buwan na pagliban sa trabaho (na hahatiin batay sa oras ng trabaho). Ang mga araw ng pagliban ay bayad.
Ano ang mga pangunahing requirements ng Permessi 104?
- Ang aplikante (ang worker) ay dapat na mayroong aktibong contratto di lavoro dipendente;
- Ang miyembro ng pamilya na dapat alagaan ay may kapansanan ayon sa artikulo 3, talata 3 ng Batas 104/1992. Ang kapansanan ay dapat na nasuri at napatunayan ng Commissione Medica Integrata ASL/INPS.
Sino ang maaaring mag-aplay ng Permessi 104?
- parents, kasama ang adoptive o foster parents;
- asawa;
- couple (civil union);
- kamag-anak hanggang second degree.
Maaari ring mag-aplay ang mga kamag-anak hanggang third degree kung ang isa sa magulang o asawa o kinakasama ay may edad 65 anyos at may kapansanan o namatay na.
Kahit ang may kapansanan ay maaari ring mag-aplay nito para sa kanyang sarili (halimbawa kung nangangailangan ng ilang araw para sa medical check-up).
Sino ang hindi maaaring mag-aplay ng Permessi 104?
Ang Permessi 104 ay hindi maaaring ibigay, at samakatwid ay hindi maaaring mag-aplay ng benepisyo, sa mga colf at caregivers. Bukod sa nabanggit, ang benepisyo ay hindi rin ibinibigay sa mga:
- lavoratori a domicilio;
- lavoratori agricoli a tempo determinato;
- lavoratori autonomi;
- lavoratori parasubordinati.
Paano mag-aplay ng Permessi 104?
Ang aplikasyon ng Permessi 104 ay maaaring i-aplay sa INPS gamit ang angkop na form, sa pamamagitan ng:
- online, sa website ng INPS gamit ang digital identity o SPD, CIE o CNS;
- Contact center sa 803 164 (sa landline) at 06164164 mula sa mobile phone;
- Patronato o authorized offices.
Sa aplikasyon ng Permessi 104 ay kailangang tukuyin ang kumpanya kung saan nagta-trabaho ang aplikante. (PGA)