Ang mga opisyal ng Public Security ay may obligasyong suriin ang pagiging regular ng mga dokumento ng mga dayuhan sa pamamagitan ng pagkokontrol sa mga ito. Samakatwid, lahat ng mga dayuhan ay obligadong dalhin palagi at ipakita sa oras ng nasabing kontrol, ang permesso di soggiorno at/o ang balidong identification document.
Anuman ang dahilan ng pananatili ng mga Pilipino sa Italya – trabaho, pag-aaral o bakasyon ay obligadong palaging dala ang isang identification document na magpapatunay sa status nito sa bansa.
Sa kaso ng isang random control at hingan ng opisyal ng Public Security ang dayuhan ng isang balidong dokumento at kopya o xerox copy lamang ang dala, at magkaroon ng pag-aalinlangan sa identidad ng dayuhan, ito ay maaaring sumailalim sa fingerprinting ayon sa batas.
Samantala, kung hindi maipapakita ang permesso di soggiorno at pasaporte dahil hindi dala o ang mga ito ay nakalimutan sa tahanan, ang dayuhan ay maaaring patawan ng mga sanctions na nasasaad sa artikulo 6 talata 3 ng Batas sa Imigrasyon.
Dito ay nasasaad na ang dayuhan, sa kahilingan ng opisyal ng Public Security, at hindi makakapagpakita ng pasaporte at ng permit to stay o anumang dokumento na magpapatunay ng regular na paninirahan sa Italya ay pinaparusahan ng pagkakakulong hanggang isang taon at multa na nagkakahalaga hanggang €2000,00.
Gayunpaman, sa Cassazione noong 2008 ay itinalaga kung anong krimen ang ipapataw sa mga dayuhang regular ang paninirahan sa Italya na hindi magpapakita ng pasaporte at ng permesso di soggiorno.
Ang standard procedure ng pagsusuri ay ang sumusunod:
Para sa dayuhang turista:
- Balidong pasaporte
- Entry visa at timbro ng airport of entry
Para sa dayuhang regular sa Itaya:
- Balidong permesso di soggiorno
- Cedolino o ricevuta postale kung nasa renewal ang permesso di soggiorno
Pagkatapos ng kontrol at mapapatunayan ang kawalan ng mga dokumentong nabanggit sa itaas, ang undocumented o clandestino ang dayuhan na walang entry visa at irregular naman ang walang balidong permesso di soggiorno, ay hindi maaaring kasuhan ng anumang krimen ngunit maaaring mapa-deport.
Ang mga menor de edad ba ay sasailalim din sa kontrol ng permesso di soggiorno mula sa awtoridad?
Ang mga dayuhang menor de edad ay hindi maaaring kasuhan ng mga nabanggit na krimen sa itaas dahil bilang menor de edad ay hindi sila ang nangangalaga sa kanilang mga dokumento bagkus ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga.
Gayunpaman, kung ang menor de edad ay hawak ang sariling dokumento at tumanggi na ipakita ito sa awtoridad, ang menor de edad ay mananagot sa batas. (PGA)