Maituturing na isang napakalaking oportunidad at karangalan ang pagkakaroon ng pagkakataon na makapanayam ang isa sa ating highest-ranking Filipino bishop, His Eminence Jose Cardinal T. Sanchez. Ang panayam ay naitakda noong Marso 24 sa mismong bahay ng kardinal sa Via Rusticcucci, malapit sa Vatican, sa tulong ng ating Trade and Industry Assistant, Ms. Marie Gumabon-Lami.
Maaaring marami sa ating mga Pilipino ang hindi ganap na nakakakilala kay Cardinal Sanchez. Isa sa masasabi nating dahilan ay ang pagkakatalaga at pagsisilbi niya sa Vatican sa loob ng mahigit ng 20 taon. Siya ay residente na din ng siyudad ng Roma sa mahigit ng dalawang dekada, pero walang alinlangan na siya ay 100% Pilipino, sa katunayan, ang kardinal ay tubong Bicol.
Siya ay ipinanganak sa Catanduanes noong Marso 17, 1920 at naging ganap na pari noong taong 1946. Siya ay naging Obispo noong 1968 at naging Archbishop of Nueva Segovia nang apat na taon, mula 1982 hanggang 1986. Taong 1985 nang ipinatawag siya ng Kataas-taasang Pope John Paul II para maging Secretary of the Congregation for the Evangelization of Peoples. Ang kanyang pagiging kardinal ay malamang na hindi naisakatuparan kung ang una niyang desisyong hindi paunlakan ang imbitasyon ng Papa noong 1985 ang nangibabaw. Ito ay sa kadahilanang una niyang naisip na gugulin sa ibang pastoral projects ang perang laan para sa kanyang pagpunta sa Vatican. Naisip din niyang isumite ang kanyang report sa pamamagitan ng Apostolic Nuncio (Vatican Ambassador sa Manila), ngunit nang kanyang napagtanto na siya na lamang ang tanging Pilipinong Bishop na hindi pa nakakabisita sa Papa, dali-dali siyang nag-empake at lumipad papuntang Roma.
Sa kanyang pulong sa Papa siya ay hinikayat na mamalagi pa sa Roma at buong pusong tanggapin ang posisyong inialok ng Vatican, ang maging Secretary of the Congregation for the Evangelization of Peoples. Hindi man siya ganoong kakumbinse na tanggapin ang posisyon dahil na rin na ang kanyang priyoridad ng mga panahong iyon ay ang mga pastoral projects sa Pilipinas, ito ay kanyang buong puso at walang pag-aalinlangang tinanggap sa kadahilanang ang mga pari at bishops ay duty-bound na laging sundin ang mga kautusan ng Papa.
Ito ay isang napakalaking karangalan para sa kardinal at sa mga Pilipino dahil ang isang sekretarya ng Vatican ay maihahalintulad sa pagiging pangalawang ministro ng gabinete ng pamahalaang Vaticano. Ito rin ang nakapagbigay sa kardinal ng pagkakataong makalibot sa iba’t-ibang parte ng mundo para sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Pagkalipas ng tatlong buwan ng kanyang appointment, namalagi na siya sa Roma bilang miyembro ng Roman Curia (the government of Universal Church).
Ang anim na taong eksperyensya bilang sekretarya ng major curial department ng Vatican ang naghubog sa dating Archbishop para maging handa sa pagiging Prefect. Taong 1991, nang ang Cardinal Innocenti ay dumating na sa kanyang retirement age, ang posisyon niyang Prefect of the Congregation for the Clergy ay ini-appoint ni Pope John Paul II sa dating Archbishop Sanchez. Buwan ng Hunyo ng nasabing ding taon, si Archbishop Sanchez ay initaas sa College of Cardinals at naging ika-limang Pilipinong bishop na nabigyan ng ganoong kataas na distinksyon ng Vatican.
Hanggang sa mga taong ito, si Cardinal Jose T. Sanchez lamang ang tanging kardinal na Pilipino na humawak ng posisyong secretarial at prefectorial sa Roman Curia. Umaasa ang kardinal na marami pang paring Pilipino ang mabibigyan ng pagkakataon na ma-appoint sa Vatican sa kadahilanang kung eksperiensya ang pag-uusapan in terms of pastoral at administrative work, maraming Pilipinong pari ang qualified.
Nang ang kardinal ay hiningan ng mensahe para sa mga Pilipinong kasalukuyang namamalagi sa Italya, kanyang binigyan ng diin ang kahalagahan ng Christian faith, aniya “Christian faith gives direction to one’s life. The Christian family is necessary to preserve the Christian doctrine and the true Christian faith.”
May kaunting pagkadismaya ang kardinal sa pagkaunti ng mga Pilipinong inilulunsad sa pagpapari.
Ang Pilipinas ay nasa ikalawang puwesto sa bilang ng Catholic population sa buong mundo kasunod ng Brazil, pero may mahigit lamang na 9,000 na Pilipino ang inaasahang maging pari sa mga sumusunod pang mga taon. Ang nakita niyang isang malaking dahilan nito ay ang pagkaunti ng mga Catholic schools sa bansa at sa kakulangan din ng mga pagkukunan ng panggugugol ng mga Pilipinong gustong maging pari. Sa edad na 90, ang Kardinanl ay nasa maayos na kalusugan maliban lamang na mahina na ng kaunti ang kanyang pandinig. Hindi niya iyon nakikitang sagabal sa kanya pang ibang misyon bilang alagad ng Diyos. Kung matutuloy ang plano niyang pag-uwi at mamalagi na sa Pilipinas, inaasam niyang gugulin ang natitira pa niyang mga taon para makapag-contribute pa sa bansang sinilangan. Aniya, malaki pa ang maitutulong niya sa mga pastoral projects ng bansa.
Naging mainit ang naging pagtanggap sa amin ni Cardinal Sanchez, kasama na ang dalawang Pilipinang madre na umaalalay sa kardinal. Ang taong aming nakaharap at kinapanayam ay may mahalagang posisyon sa civil protocol. Siya ay may ranggong katumbas ng mga prinsipe at prinsesa ng mga reigning royal houses sa mga seremonial functions. Ang panayam ay umikot din sa maraming topics at sa kabila ng kanyang posisyon, kapansin-pansin ang kanyang pagiging casual at pagkamagalang sa pagsagot sa mga katanungan. Kapansin-pansin din ang kanyang pagiging hospitable at pagkamaaalahanin sa paulit-ulit na pag-alok sa amin na uminom at tumikim ng inihandang merienda. Hindi ko maaaring makalimutan kung paano niya kami inihatid ni Ms. Lami hanggang sa pintuan ng kanyang tahanan at kung paano niya kami inihatid ng tingin sa aming pagbaba ng palasyo gamit ang elevator ng condominio.
Mula sa Ako Ay Pilipino, maligayang ika-90ng kaarawan at maraming, maraming salamat, Cardinal Sanchez! (Rogel Esguerra Cabigting)