Lima ang nabautismuhan sa mga dumalo sa ginanap na kombensyon sa Roma. Salamat sa mga kurso sa wikang tagalog, ang mga speaker na Italyano ay nangangaral sa wikang tagalog.
Roma, Abril 19, 2012 – “Mangyari Nawa ang Kalooban ng Diyos”, batay sa Mateo 6:10. Ito ang naging tema sa ginanap na kombensyon ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang linggo, Abril 15, 2012 sa Roma. Ang bilang ng mga dumalo ay umabot ng 740 at 5 naman ang nabautismuhan.
Isang susing pahayag na binigkas sa asamblea ay pinamagatang “Kalooban ng Diyos na ang Lahat ng Uri ng mga Tao ay Maligtas”. Itinampok sa pahayag na ito kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa Gawa 10:34: “ang Diyos ay hindi nagtatangi”, kaya Kaniyang kalooban na lahat ng uri ng tao, anumang ang kanilang lahi o nasyonalidad ay mabigyan ng pagkakataon na marinig ang tungkol sa Kaniya at sa Kaniyang mga layunin.
Kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na ito ang kalooban ng Diyos, dahil maliwanag na binabanggit ito sa Kaniyang Salita kung kaya’t ginanap ang mga kombensyon dito sa Italiya gayun din sa ibang bansa sa iba’t ibang wika (kasali na rito ang wikang Tagalog) at isinasagawa rin ang gawain ng pangangaral sa iba’t ibang wika.
Sa kasalukuyang bukod sa wikang Tagalog, ang mensahe ng Bibliya ay ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova dito sa Italiya sa Tsino, English, Punjabi, Urdu, Bengali, Arabo, Ruso, Albanian, Bulgarian, Polish, Sinhalese, Amaharic, Twi, Spanish, Portuguese, Sign Language at iba pa.
May ilang mga speaker na mga Italyano na natutunan ang wikang Tagalog sa pamamagitan ng kurso na inoorganisa ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay isang bagay na kadalasang nakakaakit sa mga Filipino na dumadalo sa mga kombensyon.
Sa kasalukuyang mayroon 6 na tagalog na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova dito sa Roma. (ni: Eduardo Maresca)