Roma, Agosto 5, 2015 – Ang isa sa pinakatanyag na disco house sa Roma at isa sa pinakatanyag sa buong Italya, ang PIPER ay binuksan noong 1965. Dito ay nagpalabas ang mga kilala at tanyag sa larangan ng musika tulad nina Procol Harum, Byrds, Genesis, Duke Ellington, Pink Floyd noong 1968 e lahat ng Beat Generation ng Italya. At dito rin nagtapos ang halos isang buwang concert tour sa Italya ng tanyag na si Lolita Carbon ng Asin Band, kilala sa musikang folk-rock sa Pilipinas.
Ang concert na inorganisa ng DREAMERS SMP ay itinanghal rin ang mga local talents na sina France Mr Kevin Pabalan, Ms. Nizzil Jimenez (Turin), the V.O.C.A.L.S. Academy, Quencel, Cristina Ramos, Sonny Arciaga at Maricel Bihis
Si Lolita Carbon ay nagtanghal ng isang live concert kasama ng local band sa Roma na binubuo nina Michael Abellag at Jordan Sta Maria, lead guitarists; Denver Quiton, bass guitarist at Anthony Ulnagan, drummer.
Magiliw ring pinaunlakan ni Mrs. Lolita ang exclusive interview ng Ako ay Pilipino sa kanyang unang pagkakataon sa Roma.
1- Ang huling konsyerto ng ASIN ay noong 2010 bilang paggunita kay Saro Jr, isa sa mga nagtatag ng grupo kasama si Nonoy. Ngayon na ang pangalang ASIN ay tumutukoy na lamang sa inyo, nararamdaman nyo ba ang memorya ng buong gruppo?
Ang huling konsiyerto ng ASIN ay noong 2010 bilang paggunita kay Saro Jr sa kanyang lugar ng kapanganakan, sa Marbel, South Cotabato sa panahon ng T'nalak festival, kasama ko si Nonoy Jr. Kami ni Nonoy Jr at Saro Jr ang tatlong unang nagbuo ng grupong ASIN. Si Pendong ay dumating ng panahong 80’s na.
Mula noong yumaong si Saro Jr noong 1993 ninais ko pa ring ituloy ang ASIN bilang pamana. Nagbuo ako ng banda at ang mga kanta na marami nito ay isinulat namin ni Saro Jr ay isang paraan ng pagpapatuloy ng ASIN. Isa na rito ang kantang “Masdan mo ang Kapaligiran.”
At hanggang ngayon patuloy kong ibinabahagi ang mga kanta na nagmula pa noong 1978. At biniyayaan naman ako dahil hanggang ngayon marami ang nakikinig, at kung tutuusin dumami pa nga ang mga sumusunod dahil sa halos apat na henerasyon na ang dumaan mula nuong 1978, at kailanman ay hindi ako hihinto.
2- Ang Asin ay naging napakahalaga sa kasaysayan ng musika sa Pilipinas, sa pag-aaral ng tribal music at sa pagsasama ng katutubong musika sa pop rock music at pati na rin sa pagtuturo nito. Ang sambayanan ay kinilala ang pinagmulan ng musika ngunit anong international o national band ang nagbigay inspirasyon sa Asin?
Hindi lamang ASIN, pati ang gupong Kasilag at iba pang mga di- kilalang banda ang gumamit ng mga instrumentong musika gaya ng kulintang, pero sa recording kami nga ang isa sa mga nanguna kung hindi man ang nauna.
Naging inspirasyon namin ang henerasyong pop. Sa umpisa ang pangalan ng grupo na nasa Ingles ‘Salt of the Earth’, pati ang mga kinakanta namin ay hindi sa Tagalog kundi ang mga kanta nina Peter, Paul and Mary at iba pa. Yun yung kapanahunan ng mga kantang “folk”, mga banda “folk”, mga “folk houses”. Hilig ng mga Pilipino nuon na kantahin ang mga kanta nina Bob Dylan, Mick, Nash, Janis Joplin. Yun yung kapanahunan namin. Sa bahagi ng mga Pilipino naroon naman si Florante, Juan de la Cruz banda at Maria Kafra.
3. Sa inyong opinyon, ano ang sekreto sa tagumpay ng mga kanta ng Asin?
Ang katotohanan sa mga kanta! Lahat ay totoo. Ang pagiging politikal nito ay aksidente. Ako naman, lumaking Maynila at naranasan ang kapaligiran. Hindi ko maibahagi ang kagandahan ng kalikasan sa kabataan. Ikinukwento ko ang panahon nuong lumalangoy ako sa Roxas Boulevard? Doon ako natutong lumangoy. Ang ganda ganda nito nuong panahon ko. Ngayon kapag ikinukwento ko sa mga apo ko panay ang paghiwatig ng diri … Eeeewww! Hindi nila matutuklasan ang kaligayan na naranasan ko. Pinanganak at lumaki ako sa Malate, Maynila. Yung Lolo ko naman ay Ilonggo.
Pinag-uusapan natin ang katotohanan, ang pagkamulat sa katotohanan. Kinakanta namin ang mga kanta ng Peter, Paul and Mary sa kalagitnaan ng gabi, tapos di na kami makakauwi kasi gabi na. May curfew. May martial law kasi.
4- Paano sa palagay mo nagbago ang Pilipinas simula ng matutong kumanta hanggang sa kasalukuyan.
Huling-huli ang pagtanggap ng mga Pilipino sa mga kanta namin. Matagal bago nagka-reaksyon sa mga kanta namin. Nuong inilabas ang kantang “Masdan mo ang Kapaligiran” walang nakinig sa amin. Pinagmamasdan lang nila ang aming mga itsura…bilang mga stupidong “ipis”. Yun yung tingin nila sa amin nuon. At pangalawa, inakala nilang mga komunista kami o isang grupong rebelde.
Tapos sa mga panahong 1993, huling bahagi ng pagka-presidente ni Cory Aquino, pagkatapos ng halos 15 taon mula nuong lumabas ang kantang “Masdan mo ang Kapaligiran” binigyan ako ng gantimpala para sa kantang iyon. At sabi ko naman sa kanila sa pagkaloob ng gantimpala, “Salamat sa gantimpala. Sa wakas naintindihan niyo din ang nais ipahiwatig ng kanta.”Ngayon pinag-uusapan ang klima, kapaligiran, global warming. Ginawa na namin yan 35-36 taong nakalipas.
5– Sa inyo pong palagay, ano ang pinakamagandang katangian ng mga Pilipino?
Mapagmahal. Mapagbigay. Mapagpatawad man, manlalaban naman. “Mainit ang dugo.” Masayahin din. Kahit na sa gitna ng kahirapan, ng mga problema, tumatawa pa din.
6 – Ang inyong future plans?
Mayroon akong mga Outreach Program kung saan pinupuntahan ko ang mga tao sa mga barrio. Hindi sila makakapunta sa akin kaya ako ang pumupunta sa kanila.
Ngayon may bago akong grupo. Kung hindi naman ako handa sa grupong ito mayroon din akong bagong grupo na ang tawag ay Tres Marias.
Tatlo kaming mga Pilipinang mang-aawit na may Iba’t-ibang personalidad, na may kanya-kanyang mga banda. Ngunit nagsama-sama kami bilang Tres Marias bilang ibang outlet. Kaya kung tumutugtog ako kasama ng Tres Marias ang mga kinakanta ay kakaiba duon sa kinakanta sa banda ko. Kakaibang “outlet” ito para sa akin bilang artista, bilang mang-aawit.
7- Ang inyong mensahe para sa mga Pilipinong nakapiling ngayon at lahat ng mga Pilipino sa Italya?
Nahirapan ako sa pagkuha ng visa para sa aking pamilya. Sayang at hindi nila ako mapapanood dito. Bibisitahin ko ang Vatican. Nuon pa nais ko nang bisitahin ang Roma. Sana’y makabalik rin ako dito. Pinopromote ko ang “live concert.”
Parati ko ito sinasabi sa mga producer – Itaguyod at tangkilikin ang “live concert.” Kasi para sa akin, ang paggamit ng minus one ay hindi totoong concert. Binabaan nito ang nibel ng Pilipinong artista sa halip na itaas.
Pupunta ka ba sa isang concert na gagamit ng minus one? Ang gagaling ng mga Pilipinong mang-aawit at musikero. Dapat silang tangkilikin. Dito binigyan nila ako ng live band, mga musikero na gumanap kasama ko: mga musikero at mang-aawit. Kakaiba ang karanasan na makatugtog kasama ng mga musikero dito.Saan man ako pumupunta, sinusuporta ko ang local band. Gustong gusto ko makipagtugtugan kasama ng mga musikero, ng mga “different folks with different strokes.”
Ang gagaling ng mga Pilipinong musikero. Dapat suportahan yan!
Intervista: STEFANO ROMANO – Traduzione: FELICE NOELLE RODRIGUEZ –
Foto: STEFANO ROMANO & NOE' BANARES