in

MABINI, ANG BAYAN KO

Handog tula para sa ika-100 taon ng Mabini Batangas, mula sa isang OFW na muling nagbabalik sa bayang sinilangan. 

Isang maganda alaala,
Ang gumuhit sa isip ko
Noon ako’y batang paslit,
Kasama ko ang ina ko.
Ako’y kanyang akay-akay,
Sa simbahan patutungo
Noo’y wala pang sasakyan,
Kaya kami’y lakad-takbo

Sa edad kong pitong taon,
Sa isip ko’y naka tala
Bawat sulok ng simbahan,
Pati tunog ng kampana
Ang maliit na bulwagan,
Sa ganda ay walang wala
Simpleng simple ang paligid,
Punong puno ng hiwaga

Dumaan ang mga araw,
Ang araw ay naging taon,
Patuloy ang pagbabago,
Sa paglipas ng panahon
Ang maliit na simbahan,
Ngayo’y tila isang mansyon
Ang makipot na bulwagan,
Ngayo’y pwedeng maging ballroom

Mabini ang aking bayan,
Ang bayan kong sinilangan
Mabini rin ang humubog, 
Ng taglay kong karunungan
At sa utos ng tadhana,
Ito’y aking iniwanan
Kasabay ang pangako kong,
Ito’y aking babalikan

Dalawampu’t limang taon,
Iniwan ko ang Mabini
Dalawampu’t limang taon,
Kasama ko’y ibang lahi
Sa Europe ko ginugol,
Ang mabigat na sandali
Araw-gabi’y nangangarap,
Mabalikan ang Mabini

Dalawampu’t limang taon,
Patuloy ang pangangarap
Sa isip ay binubuo, 
Ang Mabini ay mayakap
Ang malamig na amihan,
Pinangarap kong malanghap
Sa bukid na nilakhan ko,
Doon ito magaganap

Katulad ng pangarap ko, 
Ako’y muling nagbabalik
Upang bigyang katuparan,
Itong aking pananabik
Ang maraming mga planong,
Hinabi sa panaginip
Sa kamay ko’y aking hawak,
Ninanamnam bawat saglit

At sa aking pagbabalik,
Mayro’n akong natuklasan
Mayro’n palang idaraos,
Na marangyang pagdiriwang
Isang daang taon ngayon,
Mabini na aking bayan,
Oh kay gandang mga plano,
Binigyan ng katuparan

Isa ko pang natuklasan,
Ang malaking pagbabago
Bawat sulok ng Mabini,
Patuloy ang pag asenso
Dating lugar na masukal,
Naninira’y baboy-damo
Pinagyaman, pinaganda,
Ngayo’y isang paraiso

Oh Mabini, oh bayan ko,
Oh bayan kong minamahal
Ngayon ako’y nakahandang,
Sa iyo ay sumubaybay
Ang puso ko’t kaluluwa,
Ang diwa ko’t aking buhay
Ang lakas kong nalalabi,
Sa iyo ko ibibigay

Ngayong iyong kapistahan,
Ako’y mayro’ng inihanda
Sana’y iyong magustuhan,
Ang tinipon kong Salita
Ito’y aking pinagyaman, 
At nilagyan ko ng Tugma
Nilagyan ko ng damdamin,
At pinuno ko ng Diwa

Ngayong aking binabasa,
Anong laking pagkamangha
Ang tinipon kong salita,
Ngayo’y naging isang tula
Dahil ikaw oh bayan ko,
Ang bumuo nitong paksa
Matamis na alaala,
Ang dumaloy sa gunita

ni: Letty Manigbas Manalo 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ang gamot sa Pananakit ng Ulo

Refrigerator na hindi gagamit ng kuryente? Pinatunayan ng isang 17 anyos na Pinoy