Ilang Pinoy ang kabilang sa 12 katao, kasama ang mga Chinese at Africans, na tinangghian ang renewal ng permit to stay at binigyan lamang ng 15 araw para umalis sa bansa.
Ito ay matapos ang ginawang mga pagsusuri at imbestigasyon sa dalawang magkasunod na araw ng Biyernes at Sabado dahil umano sa mga report at reklamo ng ilang mamamayan sa Mantova ukol sa seguridad, partikular sa loob ng mga bar, mga lugar kung saan may slot machines at ilang public places.
May 30 alagad ng batas mula sa Polizia di Stato, Guardia di Finanza at Local Police ng Mantova ang nagsagawa ng isang serye ng mahigpit na kontrol sa Colle Aperto, Cittadella, Ponte Rosso, Lunetta, Piazza Cavalotti, Giardini Lungorio, Largo Porta Pradella/Parcheggio Nuvolari at Comune di Borgo Virgilio at Porto Mantovano.
42 mga dayuhan ang kinilala ng awtoridad na naging sanhi ng iba’t ibang hakbang ng Questore di Mantova, Paolo Sartori. Kabilang dito ang: pagbibigay ng fogli di via o order of expulsion, pagpapawalang-bisa ng permit to stay, palugit ng mula 7 hanggang 15 araw para lisanin ang bansa.
Ayon pa sa mga ulat, ang mga dahilan sa pagpapatalsik sa mga dayuhan ay ang kawalan umano ng requirements upang regular na manatili ng Italya at ang ilan naman ay ang pagkakaroon ng police record.