Ang Pneumonia ay isang impeksyon sa baga kung saan ang maliit na tubo na daanan ng hangin (bronchioles) at ang mga air sacs (alveoli) ng baga ay namamaga dahil sa naipon na tubig, white blood cells, nana at mikrobyo. Kapag napuno ang mga air sacs (alveoli) ng baga ng tubig, mahihirapan na ang taong huminga ng maayos at makuha ang oxygen na kailangan ng katawan upang mabuhay.
Karaniwang agad nilalabanan ng katawan ang impeksyon sa baga, gaya ng pneumonia, sa pamamagitan ng mga antibodies na gawa ng immune system. Sa mga kaso na ang tao ay may edad na higit sa 65, may mga karamdaman sa puso, sa baga o may sakit na diabetes, ang paglaban ng katawan sa impeksyon ay mas humihina. Kaya ang sakit na ito ay madalas makikita sa mga matatanda ay dahil sa pagsabay na paghina ng immune system sa pag edad ng tao.
Lagnat, ubo (na maaring tuyo o kaya naman ay may plema), hirap sa paghinga, panglalamig ng katawan at pagpapawis, pagsusuka, at pananakit ng dibdib at panghihina ng katawan ang mga karaniwang sintomas ng pnuemonia.
Ang karaniwang sanhi ng pneumonia ay bacteria kaya marami sa kanila ay maaring magamot ng antibiotics. Ngunit ang pneumonia na buhat sa COVID 19 ay nagmula sa isang virus na bago lang na natuklasan sa tao kung kaya’t mahirap itong gamutin dahil hindi pwede dito ang karaniwang antibiotic.
Maaring magdulot ng mas matinding komplikasyon ang pneumonia na tinatawag na Respiratory Failure, kung saan ang paghinga ng tao ay kailangan ng suportahan ng makina na tinatawag na ventilator.
Ang pneumonia ay isang seryosong karamdaman na kailangan isangguni sa eksperto o doktor para magamot. Samantalang ang karaniwang maaring gawin ng tao upang matulungan ang kaniyang katawan upang gumaling ay magpahinga, kumain ng maayos at masustansiya, uminom ng maraming tubig at magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. (ni Elisha Gay C. Hidalgo – RND Registered Nutritionist Dietitian)