Tuluyan ng tinanggal at hindi na babayaran pa ang tinatawag na Superticket sanitario simula Setyembre 2020 sa lahat ng mga medical check-ups sa lahat ng mga Rehiyon sa Italya.
Ang Superticket ay ang karagdagang halagang binabayaran sa anumang medical check-ups na nagsimula noong 2011. Ito ay nagkakahalaga mula € 10 hanggang € 40 na ipinapataw ng mga Rehiyon sa bawat ricetta medica, at pinababayaran sa iba’t ibang paraan. Ang mga Rehiyon ay malayang ipataw ito noon at pabayaran o hindi sa mga mamamayan, batay sa mga pinaiiral na batas sa bansa. Halimbawa sa Liguria, ang € 10 ay idinagdag sa halaga ng ticket; sa Toscana, ang halaga ng superticket ay batay sa sahod o reddito at maaaring umabot hanggang € 30; sa Lombardia at Piemonte ay batay naman sa halaga ng babayarang halaga ng ricetta at maaaring umabot sa maximum amount na € 15; sa Lazio ay tinanggal ito para sa mga medical check-ups ng mga over 60 at hindi naman ito pinabayaran sa Emilia Romagna, Sardegna, Valle d’Aosta, provincial di Trento e Bolzano at Basilicata.
Ayon kay health minister Roberto Speranza, ito ay hindi na kailangang bayaran pa ng mga mamamayan. “Ang tuluyang pagtatanggal ng karagdagang bayarin ay pagtatanggal din sa diskriminasyon na nagbibigay ng limitasyon sa health services ng bansa”.
Simula Setyembre ang babayaran na lamang para sa mga medical check-ups o visite e esami ambulatoriali ay ang ticket ordinario, o ang maliit na bahagi ng kabuuang halaga ng check-up at ang halaga nito ay pare-pareho sa buong bansa. (PGA)