Palapit na ng palapit ang panahon ng 13th month pay para sa mga colf, caregivers at babysitters.
Ang 13th month pay o tredicesima na ibinibigay tuwing buwan ng Disyembre, (sa katunayan ay kilala rin bilang christmas bonus) ay hindi isang regalo o dahil sa kabutihan ng mga employer, bagkus ay isang karapatan na napapaloob sa National Collective Contract ng domestic job. Nasasaad sa artikulo 37:
Sa pagsapit ng Kapaskuhan, o hanggang bago matapos ang taon, ay karapatan ng worker ang makatanggap ng isang buwang karagdagang sahod”.
Ang 13th month pay ay dapat katumbas ng isang buwang sahod, kasama ang anumang compensation ng board and lodging.
Upang makalkula ang 13th month pay ay kailangan ding isaalang-alang ang mga pagliban sa trabaho ng worker dahil sa sick leave o maternity leave, at ito ay dipende kung ang trabaho ay full time at mayroong monthly salary, weekly o per hour.
Samantala, kinakalkula tulad ng isang buwang buo maging ang 15 o higit sa 15 araw na ipinagtrabaho ng worker.
Monthly salary
Ang 13th month pay ay katumbas ng isang buwang dagdag na sahod.
Halimbawa. Ang caregiver na nagtrabaho sa buong taon na mayroong buwanang suweldo ng € 900 ay dapat makatanggap ng 900 € bonus. Ang isang caregiver na nagtrabaho simula Hunyo 1 hanggang Disyembre 31 na mayroong buwanang suweldo ng € 900 ay dapat makatanggap ng €525,00 (€ 900 X 7 buwan ng serbisyo: 12)
Weekly salary
Ang 13th month pay ay kinakalkula sa pamamagitan ng pag-multiply ng weekly salary sa 52 weeks (katumbas ng isang taong serbisyo) at i-divide ng 12 buwan.
Halimbawa: ang babysitter na may weekly salary ng € 50 ay dapat makatanggap ng € 216.66 (€ 50 x 52 wks / 12 months.)
Per hour
Sa ganitong kaso, i-multiply ang salary per hour sa kabuuang oras ng trabaho kada linggo. Ang resulta, ay ang weekly salary at i-multiply sa 52 weeks at i-divide sa 12 months.
Halimbawa: ang isang colf na binabayaran ng €10 per hour sa kabuuang 10 oras ng trabaho per week, ay dapat makatanggap ng € 433.33 (€ 10.00 X 10 hrs per wk X 52 wks = 5.200 €: 12 months = 433.33€)