Isang 45-anyos ang nahuli ng mga pulis dahil sa nakaimbak na mga nakaw na kagamitan sa kuwarto nito.
Ilang araw matapos mabalita ang ilang pinoy na sabit sa droga ay heto na naman ang isang mainit na isyu. Isang 45-anyos ang nahuli ng mga pulis dahil sa nakaimbak na mga nakaw na kagamitan sa kuwarto nito. Ayon sa mga report, ang operasyon na ito ay matatawag na “Big Time”. Tinatayang aabot sa sampung libong euro ang halaga ng mga ninakaw na kagamitan na narekober sa apartment nito. May ilang laptop computers, mga de markang bag, mga salamin, cellphones, mga mamahaling relos at kung ano ano pa. Sa katanungang “saan galing ang mga ito at sino mga nagmamay-ari?” ay katahimikan ang sagot ng pinoy.
Ang imbestigasyon at pag-aresto
Matagal na umanong nakatanggap ng maraming reklamo ang mga awtoridad patungkol sa isang dayuhang nagnanakaw sa zona Marconi sa Roma. Sa isinagawang imbestigasyon ay naging mainit ang mga mata ng mga pulis sa isang zona sa Via Gerolamo Cardano. Mahabang pagmamagtyag ang isinagawa at pinag-aralang mabuti ang mga galaw ng suspek. Nang dumating ang tamang pagkakataon ay saka umaksyon ang mga alagad ng batas.
Sa pagbalik sa bahay ng suspek na pinoy ay sinundan ito ng mga pulis na hindi naka uniporme. Kapansin pansin ang patuloy na paglingon-lingon ng target na wari bang sinisigurado kung may sumusunod sa kanya. Nang aktong papasok na sa condominium ay tinawag ito ng mga pulis upang kausapin. Tinangka umanong tumakas nito ngunit naharang ng ilang kasama ng mga pulis. Bakas sa mukha ang pagkabalisa at kagustuhang kumawala ngunit nakorner na ito ng mga pulis. Nang hingin ang mga dokumento ay sinabi ng pinoy na hindi nya ito dala at ayaw sabihin kung saan siya nakatira. Kinapkapan ito ng mga pulis at nakuha sa bulsa ang ilang susi na naging daan upang matunton ang kanyang tirahan. Maliban sa mga nakaw na kagamitan ay nakunan din ito ng 1200 euro cash. Hindi rin nito masabi kung saan galing ang malaking halagang nasa bulsa.
Dinala sa commissariato San Paolo ang suspek at pormal na sinampahan ng kaso ng pagnanakaw at pagtangging magbigay ng mga personal na impormasyon sa mga awtoridad. (Quintin Kentz Cavite Jr.)