Nahihirapan ka bang mag-umpisa na mag-ipon ng iyong pera para sa iyong kinabukasan? Alam naman natin na importante and pag-iipon (saving) at pagpapalago (investing) pero di pa rin natin maumpisahan. Kaya ang tanong: Bakit gets ko na pero di ko magawa?
Hindi lingid sa kaalaman natin na maraming mga kababayan nating umuuwi sa ating bansang Pilipinas ay walang impok o savings. Karamihan rin sa kanila sa kakarampot na pension sa SSS umaasa o di kaya sa mga anak nalang umaasa pag umuwi. Kung babalikan naman natin, noong kumikita pa sila, maganda naman ang kanilang buhay. Ano kaya ang naging kamalian nila at hindi sila nakapaghanda?
Kadalasang mali ng mga OFWs
- Sobrang pagpapadala ng Pera sa Pilipinas para sa mga mahal sa buhay
Hindi ko sinasabi na mali ito pero ito kadalasan ang dahilan bakit walang naiimpok ang mga OFW. Dahil pakiramdam nila hindi nila naipaparamdam ng mabuti ang pagmamahal nila sa kanilang pamilya kaya sa remittance nila dinadala ang pagmamahal nila. Ayon sa mga eksperto, kung ganito ang ginagawa ng isang OFW nababaling yung attention ng tumataggap sa pera at hindi sa pagmamahal na bigay nito, kaya sa kalaunan parang ATM na lamang ang tingin sa nagpapadala.
2. Utang
Masakit pakinggan pero dito nadadapa ang ilang OFWs. Hindi natin sinsabi na maling mangutang dahil may dalawang klase ng utang ang good debt at bad debt. Papaanong nagiging magandang utang or good debt ang isang utang. Kapag ang pinaggamitan ng utang ay nagbibigay sa iyo ng kita, interes o dibidendo o sa madaling sabi magbibigay siya ng karagdagang kita sa iyo.
Ang utang ay nagiging masama kapag ito ay ginamit sa luho o ginamit sa business o investment na nalugi dahil bagbabayad ka pa ng interes.
Kaya dapat munang suriin para saan ito, bago umutang.
3. Mentalidad na kayang magtrabaho habang buhay
Muli isa na naman itong dahilan bakit walang naiipon ang isang OFW. Dahil dito kapag may nahawakang pera ubos biyaya ang ginagawa. Mas inuuna ang pagbili ng luho at hindi binibigyan ng prioridad ang pag-iipon.
4. Mga anak ko nalang or kapamilya ko nalang bahala sa akin.
Isang masakit na katotohanan pero literal na nangyayari. Ang akala ng isang OFW na tutulong sa kanya noong siya’y masagana pag walang wala na siya ayaw na sa kanya. Kung minsan ayaw pag-usapan ito dahil wala sa kultura nating pilipino ang pag-usapan ang tungkol sa pera. Kaya hindi natuturuan ang pamilya sa tamang paghawak (budget), pag-iipon at pagpapalago
Masakit man pero alam natin na totoo ang mga bagay na ito. Kaya kung ikaw ay isang OFW at gusto ng pagbabago sa buhay narito ang ilang tip paano natin maiimprove ang ating buhay pinansiyal.
Tips paano mag-umpisang mag-ipon at magpalago ng pera (ayon sa librong The Richest Man in Babylon)
- Pay yourself first. Itabi ang atleast 10% ng iyong income
Tama, kinakailangang bayaran mo muna ang sarili mo pag natanggap mo na ang iyong sahod. Sa madaling sabi ugaliing magtabi muna ng pera bago gastusin. Bago ka magbayad ng kuryente, upa ng bahay o tuition fee ng mga anak dapat unahin mo munang bayaran ang sarili mo. Ayon sa librong The Richest Man in Babylon 10% daw dapat ang iniipon natin mula sa ating income.
Kadalasan ang formula natin sa pagiipon ay SAHOD – GASTOS = IPON, ito ay maling mali dahil kapag ito ang ginawa mo kailanman dika makaka-ipon. Kaya anong dapat sundin SAHOD – IPON = GASTOS. Sa pamagitan nito nagiging prioridad mo ang pag-iipon at ang mungkahi ay hindi bababa sa 10% ng ating buwanang sahod ang dapat itinatabi. Kung sakali hindi kaya ang 10% ayos lang bastos ugaliin ito. Isang importanteng aspeto ng ating buhay na madevelop natin ang habit ng pag-iipon dahil dito nakasalalay ang ating kinabukasan.
2. Pagtrabahuin ang iyong Pera
Ngayon na nadevelop mo na ang habit ng pagiipon, kailangan mo naman palaguin ito. Ang tanong papaano? Una muna ay alamin mo ano ang mga gusto mo sa buhay. Isang mungkahi na dapat umupo ka kasama mo ang pamilya mo, pag-usapan at iguhit ang inyong mga pangarap sa tinatwag natin na Dream Board para malaman ninyo ano ang mga plano at goals niyo sa buhay.
Pangalawa, bigyan ng kaukulang numero ang bawat pangarap. Halimbawa Dream House = P5,000,000, bakit, para alam mo kung magkano ang target niyo na pag-iipunan.
Pangatlo, ilang taon mo dapat pag-iipunan ang goal na ito. Baka naman kasi por eber mo na itong pag-iipunan.
At pang apat, anong klaseng investment vehicle ang gagamitin mo para marating ninyo ang pangarap na ito.
Sa pamamagitan ng tamang pag-iinvest sa mga ibat ibang klase ng investment vehicles katulad ng stock market, bonds, time deposit, business, real estate at marami pang iba, lalago ang pera natin kahit tayo pa ay natutulog.
3. Huwag papasok sa business o investment na hindi mo alam at parating humingi ng payo sa mga eksperto.
Tayo’y namumuhay na sa digital world kaya madali nalang tayo na makumbinsi ng kung sino sino lalo kung alam nila na may hawak tayong pera. Alam niyo ba na marami sa mga nas-scam ay mga kababayang OFW natin dahil sa kawalan ng edukasyong pinansiyal. Kaya ano ang payo sa ating lahat, huwag basta bastang papasok sa isang business o investment na hindi pa natin alam. Kailngan munang aralin sino, ano at paano ang business at investment na ito para makaiwas sa permanenting pagkalugi ng ating pera.
Ilan lamang ito sa mga tips paano tayo makapag-umpisa sa ating daan para sa ating mga pinapangarap. Alam ko na pangarap nating lahat ng magandang buhay para sa atin at sa ating pamilya. Sabi nga ni Ms. Salve Duplito, isang batikang journalist “Ang pera ang hindi pinakaimportante sa ating mga buhay ngunit kailangan natin ng pera para magawa natin ang mga pinakaimportante” (Money will never be the most important thing but it will allow us to do the most important). Kaya hugutin natin ito sa mga pinakaimportante sa ating mga buhay.
Paghandaan natin ang ating kinabukasan mahal kong kababayan. Sabi nga nila ang sikreto ng pagyaman ay napag-aaralan at dapat magdahan dahan. Kaya kung kayo ay may tanong o gustong magpatulong papaano niyo umpisahan ang pagiipon sa iyong kinabukasan, makipag-ugnayan lamang sa isang professional or eksperto katulad ng mga registered financial planners para kayo ay matulungan. (Aries L. Baloran, RFP®)