Nakamit ng isang Pinoy sa unang pagkakataon ang pinakamataas na premyo sa larangan ng Sining sa kategorya ng Pagpipinta. Ito ay ang pinakaunang Gintong Medalya ng “Lorenzo il Magnifico” sa katatapos na XIII Florence Biennale International Contemporary Art and Design na ginanap noong October 23 hanggang 31 ng October 2021 sa Fortezza da Basso, Florence, Italy.
Ang Pagtahan
Baon ang pagsisikap at inspirasyon ng kanyang pamilya, iginuhit ng isang Pinoy artist ang isang obra na pinamagatan na “Pagtahan” (Cessation of Crying). Ito aymay tema ng pag-asa at paghilom sa gitna ng kaguluhan at pandenya sa mundo. Pinag-isipang mabuti at ipininta ng mahigit 2 buwan at inilahok sa Internasyunal na kompetisyon. At ito ang umukit ng isa namang katangi-tanging kasaysayan para sa mga Pilipino.
Punung-puno ng mensahe at mga talinghaga na nangungusap ang mga nakapaloob sa obra na iginuhit ng 44 na taong gulang na pintor na siyang naging tampok at dinayo para mapagmasdan at hangaan maging nang mga ibat-ibang artist sa nasabing patimpalak. Umani ito ng mga papuri at iba-ibang reaksyon sa mga nagmamasid sa bawat araw na aming nasaksihan. Hindi maiwasan na hangaan ng mga ibang nakakakita ang kanyang obra kahit na ito ay isinasabit pa lamang bago ang araw ng inagurasyon.
Michael Garcia Villagante
Nakamit ng Pinoy artist na si Michael Garcia Villagante, 44 taong gulang na tubong Masbate na nakatira sa Maypajo, Caloocan City ang pinakamataas na premyo sa kategorya ng Pagpipinta, may bilang na 1,000 obra mula sa ibat-ibang larangan na nilahukan naman ng mahigit na 450 na artist mula sa 65 na bansa. Matatandaan na noong Disyembre 13, 2009 naitala sa kasaysayan ng isang sikat at premyadong Pinoy painter na si Mr. Max Balatbat ang kauna-unahang silver medal at bilang kauna-unahang Pinoy na nakapasok sa prestihiyosong Florence Biennale na hanggang sa ngayon ay hindi malilimutan.
Suporta at pagbati mula sa pamilya, kaanak at filipino community
Hindi magkamayaw sa saya at emosyon ang kanyang mga kababayan na sumusuporta sa kanya at nakasaksi sa araw ng awarding. Matiyaga na pumunta ng maaga at naghintay sa oras ng pagsisimula na bagaman at may kaba subalit bitbit pa rin ang tiwala at pag-asa na inaasam maging ng mga bawat kalahok na naroroon. Hindi maiiwasan ang kabahan habang isa-isang tinatawag ang mga unang nagsipagwagi sa iba-ibang kategorya. Hindi maipaliwanag ang emosyon na naramdaman ng Pinoy artist at bawat Pilipino na naroroon nang pinal na tawagin ang kanyang pangalan para sa pinakamataas na premyo at iabot ang kanyang gintong medalya. Maging ang ibang participants na naroroon ay masayang nagbigay ng palakpak, respeto at pagpuri sa kanyang pagkapanalo.
Dumating din ang kanyang pinsan, kasama ang buong pamilya at kaibigan na nagmula pa sa malayong byahe gamit ang pribadong sasakyan mula Monaco at France papunta ng Florence upang magbigay sa kanya ng suporta at inspirasyon. Sa pamamagitan ng social media ay natagpuan at nakilala din niya ang kanyang pinsan na nasa Italy at naglaan ng oras at araw-araw na pagsuporta sa kanya.
Bumuhos ang maraming pagbati na kanyang natatanggap sa bawat oras makalipas ang naganap na masayang kasaysayan, una at higit ang pagbati ng kanyang asawa na si Anne Magbitang Villagante at mga anak na sina Alwayne at Calix, mga kaibigan at mga kamag-anak sa Pilipinas maging sa ibayong dagat. Sa huling araw na iyon ay muling dinagsa ng mga naroroon ang kanyang obra para muling masilayan, usisain at pag-usapan. Isang tagumpay na hindi makakalimutan para sa ating mga Pilipino. Muli ay may ngiti at taas noong tayo ay haharap sa mga kaibigan, ibang lahi at pinaglilingkuran at hanapbuhay. Ito ay dahil sa tagumpay na nakamit ng ating kababayan na si Michael Garcia Villagante. (Carlos Mercado Simbillo)