Inanunsyo ni Minister of Culture Gennaro Sangiuliano kamakailan ang Bonus Cinema 2022-2023. Ito ay isang ‘discount’ sa tiket ng mga sinehan at layunin nito na ibalik ang mga mamamayan sa panonood ng film sa mga sinehan, sa panahon ng krisis sa ekonomiya.
Ito ay pinondohan ng 10M euros ng Decreto Aiuti at inaprubahan na ng nakaraang gobyerno ngunit hindi kailanman naipatupad. Ang kasalukuyang gobyerno ang magtatapos ng Implementing rules.
Ayon sa unang draft ng bonus cinema, ito ay para sa lahat ng mga mamamayan, walang limitasyon sa edad at sahod. Tanging requirement ay ang pagkakaroon ng SPID, na kinakailangan upang mai-activate ang discount, na nagkakahalaga ng 3-4 euros na direktang ibabawas sa ticket. Sa pamamagitan ng SPID, ay magbibigay ng QR code mula sa platform na magpapahintulot sa discount. Ang nabanggit na QR code ay ang ipi-prisinta sa counter sa pagbili ng ticket. Samakatwid, ang mga mamamayan ay mas mababa ang halagang babayaran sa tiket. Ang mga sinehan naman, sa loob ng 3 buwan, ay matatanggap mula sa gobyerno ang 3-4 euros.
Ang bonus ay inaasahang opisyal na magsisimula sa pagitan ng December 2022 at January 2023, matapos ang paglabas ng Implementing rules and regulations. (PGA)