Ang Italya ang nangungunang bansa sa Europa sa bilang ng citizenship acquisition: 1 Italian sa bawat 5 bagong European.
Hunyo 6, 2017 – Nitong huling dekada ang bilang ng Italian citizenship acquisition ay nagtala ng matinding pagtaas: mula 29,000 noong 2005; sa 66,000 noong 2010 at sa 100,000 noong 2013.
Mula noong 2013, ang pagdami ay higit na kapansin-pansin at umabot sa 178,000 noong 2015 at ayon sa Istat papalo naman sa 205,000 noong 2016. Tulad ng mababasa sa ulat ng Ismu foundation, batay sa bilang na nabanggit, ang Italya ang nangungunang bansa sa Europa (kabuuang 21%) sa bilang ng citizenship acquisition: 1 Italian sa bawat 5 bagong European.
Habang dumadami ang nagkakaroon ng Italian citizenship sa Italya, sa ibang bahagi naman ng Europa ay nababawasan ang bilang nito. Sa katunayan, ayon sa Eurostat noong 2015 ay 840,000 ang mga dayuhang mamamayan na nagkaroon ng citizenship ng isa sa mga Member States, mas mababa ng 6% kumpara noong 2014 at mas mababa ng 14% kumpara noong 2013, taon kung kalian nagkaroon ng halos 1 milyong citizenship acquisition sa EU.
Sa madaling salita, ang pinaka makabuluhang pagbaba ay sa Spain (-91,000 kumpara noong 2014), habang ang mahalagang pagtaas naman ay sa Italya na nagtala ng +48,000 acquisition sa loob ng isang taon. Karamihan sa naging Italian citizens ay ang mga komunidad na matagal na ang pananatili sa Italya at kwalipikado sa requirements ng citizenship by residency o naturalization tulad ng Albanians at Maroccans.
Nagbago rin ang dahilan sa pagkakaroon ng Italian citizenship sa mga nagdaang taon: kung noong 90’s at bahagi ng 2000 ang karamihan ay dahil sa kasal o citizenship by marriage, ngayon ang dahilan ay ang regular at tuluy-tuloy na pananatili sa bansa.
Kung noong 2012 higit sa 20,000 ang pinagkalooban ng Italian citizenship by marriage (1/3 ng kabuuang bilang) noong 2015 ay umabot lamang sa 9.4% ng kabuuang bilang ang nagkaroon ng citizenship dahil sa kasal. Ang naturalization o citizenship by residency ang naging pangunahing dahilan: higit sa 90,000 noong 2015 o ang 51% habang ang 39.7% naman ay sa mga menor de edad o kabataang naging ganap na italyano.
Kaugnay nito, ay bahagi ng nabanggit na pagdami sa bilang ng citizenship acquisition ang Filipino community sa Italya. Mula 894 noong 2012 ay naitala ang 3050 noong 2015. Dahilan ng malaking bahagi ng pagtaas na ito ay ang citizenship by residency (+463%) at ang mga kabataang ipinanganak sa Italya sa pagsapit ng 18 anyos (+218%). Samantala bumaba naman ang citizenship through marriage (-17%). Ang mabilis na pagdami ng mga Pilipino na naging Italian citizens ay isa lamang sa mga sanhi ng bahagyang pagbaba sa bilang ng mga Pilipino sa taong 2016 sa Italya: mula 169,046 noong 2015 sa 167,176.