in

Back pain o pananakit ng likod: ang mga uri, sanhi at lunas nito 

Maraming Ofws sa Italya ang nakararanas ng pananakit ng likod o back pain. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lumiliban sa trabaho ang karamihan ng mga Pilipino. Alamin ang mga uri, sanhi at lunas ng back pain. 

Mga Uri ng back pain 

Ayon sa Kalusugan.it, ang back pain ay may tatlong uri:

  • Acute back pain – Kapag sinabing “acute,” ito ay “short-term” o mabilis lamang. Sa uri ng back pain na ito, ang pasyente ay nakararanas ng pananakit ng likod na hindi tatagal nang mahigit sa isang buwan. Ang nararamdamang pananakit ay kadalasang biglaan. Bukod dito, ang pananakit ng likod ay posibleng may halong hapdi o kaya naman ay pakiramdam na parang sinasaksak o tinutusok.
  • Chronic back pain – Ang chronic back pain naman ay kabaligtaran ng acute back pain. Sa uri ng back pain na ito, ang pasyente ay nakararanas ng “long-term” o matagalang pananakit ng likod. Kadalasan, ito ay tumatagal nang mahigit sa tatlong buwan. Sa mga malalalang kaso naman ay tumatagal na ito habambuhay. Bukod dito, ang sakit na nararamdaman ay hindi biglaan. Sa halip, ito ay nag-uumpisa sa katamtamang sakit hanggang sa ito ay maging mas masakit kinalaunan.
  • Subacute back pain – Ang subacute back pain ay nasa pagitan ng acute at chronic. Sa uri ng back pain na ito, ang pasyente ay nakararanas ng pananakit ng likod na hindi hihigit sa tatlong buwan.

Sino ang mga nasa panganib

Kahit sino ay maaaring magkaroon ng pananakit ng likod o back pain. Subalit, ang mga sumusunod ay mas mataas ang posibilidad na maapektuhan nito:

  • Colf, caregivers at babysitters – Ang mga okupasyon na may kasamang pagbubuhat ay isa sa madalas na sanhi ng back pain, tulad ng mga colf, caregivers at babysitters. Kabilang din ang mga okupasyon na delikado para sa likod ay ang construction worker, karpintero, gym coach, nurse, warehouse staff, at sundalo.
  • May edad 30 pataas – Sa edad na ito, masyado nang nagagamit at napapagod ang likod, kaya naman nakararanas na ng madalas na pananakit nito.
  • Overweight – Ang mga taong overweight o may labis na timbang ay madalas ding nananakit ang mga likod. Dahil sa sobrang taba, ang likod ay kumukurba sapagkat hindi nito kaya ang bigat ng katawan.
  • Mga buntis – Gaya ng overweight, ang mga buntis ay mataas din ang posibilidad na magkaroon ng back pain. Habang unti-unting lumalaki ang tiyan, ang likod ay hindi nakakayanan ang padagdag na padagdag na bigat ng sanggol sa sinapupunan.
  • Mga atleta – Ang mga atleta ay madalas ding magkaroon ng back pain sapagkat minsan ay nasosobrahan sila sa ehersisyo, o kaya naman ay madalas na mabanat bigla ang kanilang mga kalamnan sa likod.
  • Mga naninigarilyo – Base sa ilang pag-aaral, ang mga naninigarilyo ay mataas ang posibilidad na magka-chronic back pain. Dahil sa mga nakalalasong kemikal ng sigarilyo, naaapektuhan nito ang “circuit activity” ng utak kaya mas nakararanas ng pananakit ng likod at ibang parte ng katawan.

Mga Sanhi ng back pain 

Sa mga uri ng back pain na ito, bukod sa likod, maaari ring makaramdam ang pasyente ng pananakit sa kanyang leeg, balikat, balakang, pwetan, o hita depende sa tindi ng kalagayan.

Ang masakit na likod o back pain ay may iba’t ibang sanhi. Kung nakararanas ng back pain, maaaring ang sanhi nito ay alinman sa mga sumusunod:

  • Sobrang timbang – Hindi makakayanan ng likod kapag may labis na bigat ang katawan. Ang posibleng maging resulta nito ay ang pagkurba ng likod, na siyang magdudulot ng pananakit o pangangalay.
  • Maling postura – Sa pag-upo o pagtayo, ugaliing tuwid ang likod. Kung nasanay na nakakuba, ang likod ay makararanas ng pananakit sapagkat wala sa tamang alignment o pagkakahanay ang mga buto ng iyong likod.
  • Pagbubuhat ng mabibigat – Ang pagbubuhat ng mabibigat ay isa rin sa mga sanhi ng back pain. Dahil sa dagdag na pressure sa likod habang nagbubuhat, ito ay sumasakit at nangangalay.
  • Injury – Ang pagkakaroon ng injury sa likod ay madalas ding magdulot ng pananakit. Maaaring ang injury ay makuha sa paglalaro ng sports o kaya naman ay mula sa aksidente.
  • Stress at depresyon – Base sa ilang pag-aaral, ang stress at depresyon ay posible ring maging sanhi ng back pain. Kapag stressed at malungkot ang isang tao, umuunti ang produksyon ng serotonin at norepinephrine sa utak. Ito ay mga kemikal na nakatutulong upang mabawasan ang anumang sakit na nararamdaman sa katawan. Kaya naman kapag umunti ang produksyon ng mga kemikal na ito, lalong makararamdam ng pananakit ng likod o sa ibang parte ng katawan.
  • Ibang karamdaman – Kung ang pasyente ay may ibang karamdaman, lalung-lalo na ang mga sakit na may kaugnayan sa mga buto, malaki ang posibilidad na magkaroon ng back pain. Ilan lamang sa mga karamdaman na nagdudulot din ng back pain ay scoliosis, osteoporosis, at arthritis.

Lunas ng back pain 

Upang maiwasan ang pananakit ng likod o back pain, mas mainam na gawin ang mga sumusunod:

  • Magbawas ng sobrang timbang – Kung mahigit sa normal range ang timbang, iminumungkahi na magpapayat. Upang pumayat, kumain nang wasto at ugaliing mag-ehersisyo araw-araw.
  • Palakasin ang likod – Upang hindi mabigla ang likod sa mga gawain sa bahay at sa trabaho, palakasin ito sa pamamagitan ng pag-eehersisyo. Maaaring magsagawa ng back stretches, o kaya naman ay magbuhat ng weights. Maganda ring pampalakas ng likod ang paglalangoy at pagpunta sa gym.
  • Siguraduhing wasto ang postura – Nakaupo man o nakatayo, dapat ay laging wasto ang postura. Kapag ang likod ay hindi tuwid, mananakit ito dahil hindi tama ang alignment o pagkakahanay nito.
  • Magbuhat nang tama ang postura – Sa pagbubuhat ng mabibigat na bagay, ugaliing mag-squat upang magamit ang lakas ng mga hita. Kung yuyuko lamang para buhatin ang mabigat na bagay, mananakit lamang ang likuran. Huwag din pipilitin na magbuhat kung hindi naman talaga kaya. Ang pinakamainam na gawin ay humingi ng tulong upang hindi mahirapan ang likod.
  • Bagu-baguhin ang posisyon ng likod – Upang hindi manakit at mangalay ang likod, bagu-baguhin ang pwesto nito. Huwag hahayaang nakapirmi sa isang posisyon ang likod. Halimbawa, kung nasa trabaho at laging nakaupo, tumayo at mag-unat-unat.
  • Mahiga sa komportableng kama – Maaari ring magkaroon ng back pain kung ang kamang hinihigaan ay hindi komportable. Ang kama ay dapat hindi gaanong malambot pero hindi rin gaanong matigas. Tuwing hihiga naman, siguraduhin na sapat lamang ang taas ng unan para hindi mangalay ang likod.

Kung ang pananakit ng likod ay hindi nawawala sa loob ng dalawang linggo, kumonsulta sa doktor upang ito ay masuri nang maigi at mabigyan ng karampatang lunas. Kung ang back pain naman ay dulot ng isang injury, ito ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Birth, marriage at death certificate, permanente na ang bisa sa Pilipinas 

Ilang araw ang paternity leave ng isang colf?