in

Gabay sa Ricongiungimento Familiare, unang bahagi

Gabay sa Ricongiungimento Familiare Ako Ay Pilipino

Ano ang ricongiungimento familiare? Ano ang kundisyon at mga requirements sa pag-aaplay nito sa Italya? Sino ang miyembro ng pamilya na maaaring papuntahin sa Italya? Ito ang mga pangunahing katanungan na sasagutin sa unang bahagi ng Gabay sa Ricongiungimento Familiare

Ang ricongiungimento familiare ay ang tinatawag na family reunification process. Ito ay nagpapahintulot sa mga non-EU nationals, na regular na naninirahan sa Italya, ang makatanggap ng awtorisasyon sa pagpasok sa Italya ng miyembro ng kanyang pamilya na residente sa ibang bansa. Ang awtorisasyon ay tinatawag na nulla osta al ricongiungimento familiare. Samakatwid, ito ay ang pagtanggap din ng awtorisasyon sa pananatili sa bansa ng miyembro ng kanyang pamilya. 

Ang ricongiungimento familiare ay batay sa artikulo 28 at mga sumusunod ng Testo Unico sull’Immigrazione.  

Ang proseso ng ricongiungimento familiare ay mayroong dalawang bahagi: 

  1. Ang unang bahagi a) SPORTELLO UNICO. Ito ay ukol sa pagsusuri ng mga objective requirements sa Italya para sa issuance ng nulla osta (tulad ng permit to stay, reddito at alloggio); b) ITALIAN EMBASSY. Ito ay konektado sa unang nabanggit at ukol naman sa pagsusuri ng mga subjective requirements sa Pilipinas para sa issuance ng entry visa. 
  2. Ang ikalawang bahagi – Ang aplikasyon para sa nulla osta, lakip ang mga requirements nito, ay kailangang ipadala online sa Sportello Unico per l’Immigrazione sa Prefecture. Sa pagtanggap ang positibong tugon mula sa Questura matapos suriin ang mga requirements ay ipagkakaloob ang nulla osta sa loob ng 90 araw mula sa pagsusumite ng aplikasyon. Sa kasong negatibo ang tugon mula sa Questura ay matatanggap ang provvedimento di diniego o rejected ang aplikasyon.

Samakatwid, sa kasong positibo din ang entry visa sa Pilipinas ng dayuhan, ito ay magpapahintulot sa pagpunta niya sa Italya at pagkatapos ay ang pagkakaroon ng permesso di soggiorno per motivi familiari.  

Ano ang dapat na kondisyon ng isang dayuhan na naninirahan sa Italya para sa ricongiungimento familiare ng miyembro ng kanyang pamilya? 

Upang maisagawa ang ricongiungimento familiare, ang aplikanteng dayuhan na nasa Italya ay kailangang mayroong carta di soggiorno o permesso di soggiorno, na balido ng hindi bababa sa isang taon. Ito ay regular na inisyu para sa lavoro subordinato o autonomo, permesso si soggiorno per asilo politico, permesso di soggiorno per protezione sussidiaria, permesso di soggiorno per motivi di studio, permesso di soggiorno per motivi religiosi, permesso di soggiorno per motivi familiari, permesso di soggiorno CE per soggiornati di lungo periodo o permesso di soggiorno per attesa cittadinanza.

Tandaan: Ang resibo ng renewal ng permesso di soggiorno mula sa Questura o poste italiane ay nagpapahintulot sa pagsusumite ng aplikasyon ng nulla osta sa ricongiungimento familiare. 

Sino sa miyembro ng pamilya ng dayuhan ang maaaring magpunta sa Italya sa pamamagitan ng ricongiungimento familiare? 

Ipinapaalala na ang ricongiungimento familiare ay hindi para sa lahat ng miyembro ng pamilya ng dayuhan ngunit para lamang sa: 

  • Asawa, hindi legally separated at may edad higit 18 anyos. Ito ay para din sa civilly united na mga couples of same sex,
  • Menor de edad na anak, kahit anak ng asawa o anak sa labas ng kasal sa kundisyon na ang isang magulang ay nagbigay ng pahintulot;
  •  Anak higit 18 anyos, dependent dahil sa kapansanan (at walang kakayahan para sa sariling pamumuhay);
  • Magulang na walang anak sa country of origin o magulang mula 65 anyos at ang anak na kasama sa country of origin ay hindi kayang matustusan ang pangangailangan ng magulang dahil sa matinding karamdaman;

Maaari bang papuntahin sa Italya sa pamamagitan ng ricongiungimento familiare ang kapatid o tiyahin at tiyuhin o lolo at lola? 

Hindi. Ang batas ay malinaw. Hindi pwede ang family reunification process sa Italya ng kapatid, tiyahin o tiyuhan o lolo at lola. Ang family reunification process sa Italya ay para lamang sa asawa, anak (menor de edad at hindi), at magulang. 

Anu-ano ang requirements sa pag-aaplay ng ricongiungimento familiare? 

Ang dayuhan na nasa Italya na nag-aaplay ng ricongiungimento familiare, ay kailangang patunayan ang pagkakaroon ng mga requirements tulad ng: 

  • Angkop na tirahan na makakatugon sa kundisyon ng hygiene at aprubado ng Comune;
  • Salary requirement ng isang taon mula sa legal na paraan at hindi bababa sa halaga ng taunang ‘assegno sociale’ at nadadagdagan ng kalahati ng halaga nito bawat karagdagang miyembro ng pamilya; 
  • Health insurance kung magulang higit sa 65 anyos ang inaplay sa ricongiungimento familiare.

Anu-anong dokumento ang kailangang ilakip sa aplikasyon ng ricongiungimento familiare ng aplikante na nasa Italya? 

  1. Kopya ng permesso di soggiorno;
  2. Kopya ng pasaporte ng aplikante sa Italya at papupuntahin sa Italya na miyembro ng pamilya;
  3. Certificato di famiglia ng aplikante sa Italya;
  4. Marriage Certificate, translated at legalized (kung ang papuuntahin sa Italya ay ang asawa);
  5. Widowhood Certificate (kung ang miymebro ng pamilya ay balo);
  6. Dokumentasyon na nagpapatunay ng relasyon (kung anak ang papupuntahin sa Italya);
  7. Idoneità alloggiativa mula sa Comune. Ito ay dapat na nagtataglay ng bilang ng mga residente na maaaring manirahan dito. Halimbawa: Kung ang papupuntahin sa Italya ay ang asawa, sa sertipiko ay dapat na nasusulat ay 2 katao. Kung ang nasusulat ay 1 katao, ito ay hindi angkop. 
  8. Dokumento na magpapatunay ng kabuuang sahod (CUD, 730 o Modello Unico);

Ang reddito o sahod ay kailangang katumbas ng halaga ng assegno sociale at nadadagdagan ng 50% sa bawat miyembro ng pamilya na papupuntahin sa Italya. Kasama din sa kalkulo ng sahod ang sahod ng mga kapisan o ‘conviventi’ na miyembro ng pamilya. 

9). Modello S2 kung ang aplikante ay isang ‘ospite’. 

Dito ay idinedeklara ng may-ari ng bahay ang kanyang pagsang-ayon na tanggapin bilang ‘ospite’ o panauhin ang miyembro ng pamilya na pupunta sa Italya; 

10). Modello S1 kung ang aplikante ay ‘ospite’ at ang miyembro ng pamilya na pupunta sa Italya ay mas bata sa 14 anyos;

11) Modello S3 kung ang aplikante ay isang lavoratore subordinato. Ang employer ay kailangang patunayan ang pag-eempleyo sa worker. 

Ang Gabay sa Ricongiungimento Familiare ay sinulat ni: Avv. Francesco Lombardini, Studio Legale – Viale G. Carducci, 107 – Cesena (FC)Telefono: 338 93 55 808

Email: studiolegale@avvocatofrancescolombardini.it

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Resolusyon sa ipatutupad ng bagong DPCM Ako Ay Pilipino

Resolusyon sa ipatutupad na bagong DPCM, aprubado

Volunteers selection ng Servizio Civile Universale hanggang February 8, 2021