in

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Pagkaimpatso

Ang sobrang kain, lalo na’t maraming okasyon, ay maaaring maging sanhi ng sakit na IMPATSO o INDIGESTION.

Malapit na namang sumapit ang pinakamahalagang okasyon ng taon. Ito ay ang Pasko at Bagong Taon. Ano nga ba ang isa sa mahalagang pangyayari sa okasyon na ito? Ano pa nga ba kundi ang walang humpay na handaan at walang hanggang kainan, imbitasyon ng kamag anak, kaibigan. As in kaliwa’t kanang kainan. Ito rin ay mahalagang okasyon para magkaroon ng gatherings at bonding ang pamilya para magkasama-sama. Ngunit mas mahalaga pa rin ang isaalang-alang ang ating kalusugan at kailangan rin ang mag-kontrol sa anumang bawal sa atin. Normal pa naman sa Pilipino na kahit alam nang bawal ay sige pa rin ng sige sa halip na makaiwas sa anumang klase ng karamdaman.

Ang sobrang kain, lalo na’t maraming okasyon, ay maaaring maging sanhi ng sakit na IMPATSO o INDIGESTION.

Alamin muna natin ang mahalagang tungkulin ng maliit na bituka bilang isa sa mahalagang parte ng ating katawan na syang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Ang maliit na bituka ang pinakamahabang parte ng sistemang panunaw. Ito ay may habang 6 na metro at matatagpuan sa gitna ng tiyan. Karamihan sa parte ng maliit na bituka ay nakapulupot at nakalutang sa manipis na patong ng taba na nagbibigay sa maliit na bituka ng flexibility at mobility.

GAMIT: Ang maliit na bituka ang nagtutunaw ng taba, protina at carbohydrates sa pagkain. Ang nutrisyon na nakukuha rito ay nasisipsip sa lining ng maliit na bituka at nalilipat sa daluyan ng dugo.Nakukumpleto ang huling yugto ng panunaw sa parteng ito ng maliit na bituka kung saan ang pagkain at likido ay natutunaw upang maging nutrient components tulad ng mas maliit na molecules, bitamina, mineral, salts, at tubig. Sa pagdaloy ng digestive mixture sa maliit na bituka, sisipsiping ng villi ang nutrients at ililipat naman nila ito sa daluyan ng dugo at atay. Ang hindi natunaw na pagkain kasama ng ilang tubig at bitamina ay mapupunta sa malaking bituka.

Sakit na IMPATSO o INDIGESTION,  ano ito?

Ang impatso o indigestion ay isang kalagayan na naglalarawan sa pagkaramdam ng sobrang pagkabusog o pakiramdam na tila puno ang tiyan habang o pagkatapos kumain. Maaring may itong pananakit sa bandang itaas na bahagi ng tiyan. Ang madalas na pagkakaroon ng impasto ay isang senyales ng mas malalim na suliranin pangkalusugan katulad ng Gastroesophageal disease, ulser sa tiyan, o karamdaman sa apdo.

SINTOMAS:

  • Pakiramdam na tila punung-puno ang tiyan o bloating
  • Hirap sa pagdighay at pag-utot
  • Pagkahilo o pagsusuka
  • Maasim na panlasa
  • Masakit ang bandang itaas na bahagi ng sikmura
  • Pananakit ng tiyan

Ang mga sintomas na ito ay maaaring maranasan kapag nakakaranas ng stress. Maaari ring makaramdam ng heartburn kapag may impatso. Ito ay dulot ng pag-akyat ng asido mula sa tiyan na patungo sa esopagoso.

SANHI:

  • Pagkain ng labis at mabilis
  • Pagkain ng maraming taba, mamantika at maanghang
  • Pagkain ng sobra tuwing nakararanas ng stress
  • Labis na pag-inom ng alak
  • Labis na paninigarilyo
  • Pagkaramdam ng labis na pagod at stress
  • Pag-inom ng inuming may caffeine

Ang paglunok na hindi tama kapag kumakain, lalo na kung nakalulunok ng hangin ay isang sanhi ng pagdighay at kabag.

Ang pagkakaramdam ng impatso sa matagal na panahon ay maaaring sintomas ng non-ulcer dyspepsia o functional indigestion.

Nakararamdam din ng impasto ang mga kababaihang nasa pangalawa o pangatlong yugto ng pagbubuntis. Ang impatso ay may kaugnayan sa pagluwag ng mga masel sa digestive tract at sa bigat ng lumalaking sanggol sa sinapupunan.

PAG-IWAS

Kadalasang ang impatso ay nawawala pagkatapos ng ilang oras. Kung hindi naman, dapat nang magpakunsulta sa doktor.

Ang mga sumusunod ay mga suhestiyon upang maibsan ang pagkaramdam ng impatso:

  • Isara ang bibig kapag ngumunguya upang hindi makapasok ang hangin. Iwasan din ang pagsasalita habang nagngunguya pati na din ang pagkain ng mabilis.
  • Uminom lamang pagkatapos kumain.
  • Iwasang kumain bago matulog.
  • Magpahinga pagkatapos kumain.
  • Iwasan ang maanghang na pagkain.
  • Iwasan ang paninigarilyo.
  • Iwasan ang labis na pag-inom ng alak

Kung hindi maibsan ang pagkaramdam ng impatso pagkatapos ng mga pagbabagong ito sa pamumuhay, kumunsulta na sa doktor kung ano ang mga gamot na maaaring inumin upang makaiwas sa pagkaramdam ng impatso.

LUNAS

  • Antacid – Upang mabalanse ang asido sa sikmura.
  • H-2-receptor antagonists (H2RAs) – Mas matagal ang epekto kaysa antacid.
  • Proton pump inhibitors para sa mga may gastroesophageal reflux disease – Ito ay mas epektibo sa pagtanggal ng asido sa tiyan kaysa sa H2RAs. Ang pangmatagalang gamit ay maaaring magdulot ng pagkabali ng mga buto.
  • Prokinetics para sa mga taong mabagal matunaw  ang laman ng tiyan.

 

ni: Mona Liza G. Dadis

sources: STUDY OF HUMAN HEALTH AND DISEASE BARBARA AND COHEN,

MAYO CLINIC, MEDICAL SURGICAL-UDAN, WIKIHEALTH, MEDLINE PLUS – INDIGESTION

Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

Mahalagang Mungkahi from FNA- ROME sa bawat sintomas o anumang masamang pagbabago sa ating katawan agad sumangguni sa Doktor, Hindi sapat ang kadahilanang tayo ay walang panahon o may trabaho at walang perang panggamot mahalaga ang mga ito ay maagapan o maiwasan may kasabihan nga sa Ingles “Prevention is better than Cure” at ang ating kalusugan ay ating kayamanan upang tayo ay makaiwas sa mas malaking gastos at patuloy pa rin ang pagtatrabaho. (F.N.A. – ROME)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Nais malaman ang status ng aplikasyon ng Italian citizenship? Narito kung paano

Antas o lebel sa domestic job ayon sa CCNL