Ano ito? Ang bato (kidney) ang nagtatanggal ng sobrang tubig at basura sa katawan, nagsasaayos ng likido at mga kemikal na kailangan sa ating katawan, sumusupil sa presyon ng dugo, at sumusupil sa mga hormone ng katawan na gumagawa ng pulang mga selula ng dugo. Inilalabas ng bato ang sobrang tubig at basura mula sa dugo at iniiwan lamang ang mga sangkap na kinakailangan nito.
Bukod dito, ito ay gumagawa ng electrolytes (ions) na kailangan upang ihiwalay at itapon ang mga dumi sa katawan na nakakalason. Produkto ito ng metabolismo ng katawan na inilalabas sa pamamagitan ng pag-ihi. Halos lahat ng mga tao ay may dalawang bato. Maaaring mabuhay na malusog ang isang tao na iisa ang bato.
Ang sakit sa bato ay isang panganib sa kalusugan at buhay ng tao kung hindi matutuklasan ng maaga at mabibigyan ng kaukulang lunas. Sa ngayon ang sakit sa bato ay pansampu sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Ang nangungunang dahilan ng paglubha ng karamdaman ay ang hindi maagap na pagtuklas nito.
Maaaring walang makitang sintomas o palatandaan sa isang taong may sakit sa bato lalo na sa simula nito. Ito ay maaaring malaman lamang kapag nagpa-eksamin ng ihi (urinalysis) o nagpasuri sa doctor. Kapag hindi nalaman ang sakit na ito ay maaaring lumala at mauwi sa estado na di na maibabalik sa normal na kundisyon ang mga bato, tulad ng End Stage Renal Disease (ESRD).
Mga uri ng sakit na nakakapinsala sa ating bato at may kinalaman din sa ating pag-ihi:i) Diyabetis dahil sa sobrang asukal (glucose) sa dugo nahihirapan ang bato na salain (filter) ito; ii) Altapresyon dahil sa pagkasira ng mga ugat (blood vessels) sa katawan kasama na ang ugat sa bato; iii) Kidney stones ( uric acid stones, calcium stones, struvite stones, cystine stones) na maaaring bumara sa daluyan ng ihi; iv) Glomerulonephritis o pamamaga ng ugat sa bato na maaaring nakuha sa viral o bacterial impeksiyon mula sa sakit na tonsillitis, pharyngitis at kahit sakit sa balat; at v) Urinary Tract Infection (UTI) dahil sa impeksiyon o pamamaga ng daluyan ng ihi at pagdami ng mga organismo o mikrobyo sa bato, sa ureter at sa pantog.
Mga palatandaan ng sakit sa bato: i) madalas na nilalagnat, giniginaw at nagsusuka; ii) masakit at pagkonti ng-ihi; iii) pagsakit ng tagiliran; iv) pagsakit ng tiyan at puson; v) ihi na kulay tsaa o “coke”, mapula at mabula; vi) pamamanas ng talukap ng mga mata, mukha, tiyan, mga binti at paa; vii) nakakaramdam ng hirap sa paghinga; viii) altapresyon; ix) pagkahilo, pagsakit ng ulo; at x) pag-itim at pangangati ng balat.
Kapag hindi kaagad nabigyan pansin ang mga nabanggit na sintomas ng sakit, ang mga ito ay maaaring magdulot ng renal failure. Ito ay kondisyon kung saan ang bato ng pasyente ay tuluyang nasisira at ang dugo ay unti-unting nalalason. Ito ay kondisyon na kung saan wala nang ganap na kakayahan ang dalawang bato na gawin ang kanilang mga tungkulin. Karaniwan itong makikita sa ESRD kung kailan ang pasyente ay nangangailangan na ng dialysis o kidney transplant.
Mga dapat gawin para makaiwas sa sakit sa bato: i) uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw; ii) ugaliin ang kalinisan sa pangangatawan; iii) dumumi araw-araw; iv) huwag pigilin ang pag-ihi; v) isangguni sa doktor ang anumang impeksyon sa lalamunan at balat; vi) huwag paglaruan ang maseselang bahagi ng katawan tulad ng ari; vii) kumain ng pagkaing masustansiya. Iwasan ang sobrang maalat o matatamis na pagkain; viii) magpakuha ng presyon ng dugo dalawang beses sa loob ng isang taon; ix) gawing regular ang pag-eehersisyo o araw-araw ayon sa kakayahan ng katawan; x) kompletuhin ng bakuna ang mga bata. May mga sakit na nakasisira ng ating bato na maaaring mapigilan ng pagbabakuna; xi) iwasan ang paninigarilyo at mga nakakalasing na inumin; xii) uminom lamang ng gamot kung may payo o preskripsyon ng doctor; xiii) kung nais uminom ng herbal supplement, kumunsulta sa doktor; at xiv) ugaliin ang taunang pagpapasuri ng ihi.
Ang urinalysis o pagsusuri ng ihi ay mahalagang eksaminasyon dahil dito makikita kung may problema sa pagbabalanse ng kemikal o elemento ng katawan gaya ng pagkakaroon ng asukal (glucose), albumin (isang uri ng protein), mataas na kristal, o dugo sa ihi. Makikita rin ang kulay, maulap o malabong ihi, reaksyon ng ihi, at kung mataas o mababa ang specific gravity. Kalimitan kapag may impeksyon sa daluyan ng ihi, mataas ang tinatawag nating White Blood Cells (WBC) dahil ito ang elementong lumalaban sa mga mikrobyo.
Ang tamang pagkolekta ng ihi para sa urinalysis ay siguraduhing malinis ang pwerta o ari. Ihanda ang malinis at may takip na lalagyan ng ihi. Kolektahin ang panggitnaang ihi (mid stream) at huwag ang mga unang patak ng ihi upang maiwasan ang kontaminasyon. Takpang maigi ang sample at ibigay sa laboratoryo.
Mahalaga rin ang pagsusuri ng dugo upang malaman kung ang mga elemento ay nasa normal na bilang gaya ng: i) Electrolytes o“asin” sa katawan (Sodium, Potassium, Chloride, Calcium) dahil ito ang tumutulong upang maisagawa ng ating katawan ang mga dapat gampanang trabaho gaya ng paggalaw ng kalamnan, paglinis ng katawan, pagtibok ng puso, at maaari ring malaman ang hydration status ng katawan (kulang o sobra ang tubig) at kung may problema sa bato. ii) Blood urea nitrogen (BUN), creatinine. Ito ang sumusukat sa kakayahan ng bato na linisin ang katawan. iii) Uric acid. Ang mataas na antas ay maaaring magdulot ng rayuma o arthritis na tinatawag na “gouty arthritis” o maaaring sanhi ng bato (stones) sa bato (kidney).
Ang FNA-Rome ay isang independent, non-commercial, non-profit, non-partisan, non-sectarian volunteer organization. Ang pagkuha ng blood pressure at blood sugar/cholesterol test ay kabilang sa mga serbisyong ibinibigay namin tuwing medical outreach.
Kung nais ninyong magpa-schedule ng outreach para sa inyong organization o community, pakitawagan lamang si Gng. Julia Garzon- Ferrer, FNA Secretary, sa numerong 3270885838 o si Bb. Nenette Vecinal, FNA Assistant Secretary sa numerong 3295371278 para mapag-usapan ito. Maraming salamat po.