Hindi lahat ng mga mamamayan ay kinakailangang magkaroon ng Green pass. Tulad ng nasasaad sa Circular ng Ministry of Health, mayroong mga exemption na isinasaalang-alang, partikular ang mga hindi maaaring mabakunahan dahil sa kalusugan. Narito ang mga dapat malaman.
Sa Italya, ang Green pass ay ibinibigay sa mga nabakunahan kontra Covid19, sa mga gumaling mula sa sakit na Covid19 sa nakaraang 6 na buwan at sa mga mayroong negative Covid19 test (ito ay balido ng 48 na oras). Gayunpaman, hindi lahat ay kinakailangang magkaroon ng Green pass. Tulad ng nasasaad sa Circular ng Ministry of Health ay mayroong mga partikular na kaso na exempted sa pagkakaroon ng Green pass.
Narito ang mga exempted sa pagkakaroon ng Green pass:
- Hindi kinakailangan ang magkaroon o ang mag-prisinta ng Green pass ang mga under 12 o mga batang may edad 12 anyos pababa.
- Mga exempted sa Covid19 vaccination dahil sa health condition – Maraming mga kaso kung saan hindi posible na magpabakuna kontra Covid-19. Ang mga indibidwal na dahil sa kanilang health conditions ay hindi maaaring magpabakuna ay mayroong angkop na medical certificate at samakatwid ay exempted sa pagkakaroon ng Green pass.
- Ang exemption ay para din sa mga taong nagkaroon ng matindig allergy reaction matapos matanggap ang unang dosis. Sa kasong ito, gayunpaman, ay posibleng suriin ang pagtuturok ng ibang bakuna sa pamamagitan ng allergy consultation.
- Ang bakuna anti-Sars-CoV2 ay hindi kontraindikado sa mga nagbubuntis. Kung, pagkatapos ng medikal na pagsusuri, ay magdesisyong ipagpaliban ang pagbabakuna, ang buntis ay maaaring bigyan ng temporary exemption certificate, ayon sa Ministry of Health.
- Ang mga nagkaroon ng myocarditis o pericarditis pagkatapos ng pagbabakuna ng Pfizer o Moderna at hindi maaaring magpatuloy magpabakuna ng ikalawang dosis ay maaari ring magkaroon ng Green pass exemption.
- Ang mga nagkaroon ng Guillain-Barrè syndrome, 6 na linggo matapos ang unang dosis ng bakuna kontra Covid19. Mainam na iwasan ang magpatuloy sa ikalawang dosis gamit ang parehong bakuna.
Ang mga nabanggit na mayroong Green pass exemption certificate ay maaaring magsagawa ng lahat ng mga aktibidad kung saan mandatory ang Green pass at samakatwid ay hindi obligadong magprisinta ng Green pass kahit sa trabaho simula sa Oct 15.