"Mula Migrasyon hanggang Integrasyon", ito ang pangunahing layunin ng Migreat Community.
Roma, Abril 15, 2015 – Lakip ang pagsusumikap, ang Migreat ay lubos na natutuwang ibalita ang paglulunsad ng bagong plataporma para sa Filipino community sa Rome, Italy. Ito ay bahagi ng pagpapalawak ng mga serbisyo sa bagong Europa na nagsimula buhat sa kanilang mga tanggapan sa London at New York.
Sa pinakahuling ulat ng IDOS ay tinatayang nasa 165,783 ang populasyon ng mga Pilipino sa Italya at ika-anim sa pinakamalaking komunidad sa Italya pagkatapos ng Romania, Morocco, Albania, China at Ukraine noong 2013.
Samantala, ang mga Pilipinong nakarehistro sa mga munisipyo ng probinsya ng Roma ay may bilang na 43,172 o ang 14% ng kabuuang bilang ng mga dayuhan na 388.217 at itinuturing na pinakamalaking komunidad (non-EU) ayon sa talaan ng IDOS, Enero 2013.
Kilala ang mga Pilipino, bukod sa pagiging tunay na masipag at mapagkakatiwalaan, ay isang aktibo, buhay at nagbibigay-kulay kung saan man naninirahan. Kung kaya’t, layunin ng mga manunulat ng Migreat ang ibigay sa buong komunidad ang lahat ng mga kapaki-pakinabang na mga balita at impormasyon para sa matiwasay na paninirahan sa lungsod ng Roma at buong Italya. Bukod dito, ang mga mahahalagang impormasyon para sa kanilang mga mahal na buhay na naiwan sa Pilipinas.
Bilang pagtatapos, inaasahan din ng Migreat Community ang inyong pagtangkilik at aktibong partesipasyon sa pamamagitan ng mga katanungan, komento at suhestiyon upang aming maibigay ang serbisyong nakalaan lamang sa isang komunidad tulad ng mga Pilipino sa Italya.
Ang website ay: www.migreat.it/tl
FB page: www.facebook.com/pages/Filipinos-abroad-by-Migreat-Pilipino-sa-ibayong-dagat
ni: Pia Gonzalez-Abucay