Oo, tunay ngang hindi pa masagana
itinanim na puno'y 'di pa mabunga
ito’y nangangailangan pa rin ng pag-aaruga
hangga't may daho't 'di pa nalalanta
lalo't 'di matangay ng bagyo't baha
gayun di't mga ugat malalakas at sariwa
Tama nga't lahat ng baga'y may kanyang oras
hindi rin natin batid ang hatid ng bukas
ngunit buhay nitong puno'y 'di pa magwawakas
mga daho'y 'di pa tuluyang malalagas
magiging luntia't sa sikat ng araw ay lalakas
nahihirapan ma'y magsasanga't lalaking pataas
Punong ito'y tunay na inaalagaan
lakas,pawis at panahon ay inalalaan
sa mga asong mapanira'y ipinaglalaban
matibay at tapat na pag-ibig ito'y binabakuran
mga anay ay sinusunog bago pa kasamaa'y gawan
kagandaha't paglaki nito'y laging binabantayan
Sa buhay ng punong ito'y mayroon pang nalalabi
bago lumipas, magbubunga ng magagaganda kahit kakaunti
mga bungang malulusog,kakiba't magsisilbing mga bagong binhi
pagmumulan ng mga punong matitibay at marami
magiging silungan ng mga taong naging tiwali
panangga sa rumaragasang putik na may hatid na pighati
Oo,ang punong ito'y mamumunga’t yayabong
haharapin ang lupit ng kalikasang nanghahamon
mga sanga ma'y magkabali-bali sa masamang panahon
malalakas mang hangi'y magtatangay kanyang mahihinang dahon
kanyang mga ugat nama'y lalo pang sa lupa'y babaon
at ang katawa'y mas tatatag sa paglipas ng taon
(ni: Demetrio 'Bong' Rafanan)