Kahit sa taong ito ay kumpirmado sa Italya ang iba’t-ibang mga bonuses, benepisyo o tulong mula sa gobyerno na nakalaan sa mga pamilya at indibidwal na mayroong mababang ISEE o ang economic situation indicator.
Ang mga ito ay para sa iba’t ibang kundisyon tulad ng bonus affitto casa o tulong pinansyal para sa pagbabayad ng renta ng bahay, reddito di cittadinanza, o bonus para sa pagbabayad ng house bils. Narito ang mga detalye.
Ang pamantayan upang makakuha ng mga bonus para sa mga may mababang ISEE ay hindi dapat lalampas sa € 9,360 ang ISEE. Bukod dito, ang reddito familiare o ang kabuuang sahod o kita ng buong pamilya na ‘convivienti’ o magkakasama sa iisang bahay ay hindi dapat lalampas sa €6,000 (ito ay tumataas sa € 9,360 sa kasong ang pamilya ay umuupa ng apartment), real estate assets na hindi lalampas sa € 30,000 at movable assets na hindi lalampas sa €6,000. Gayunpaman, ang limitasyong ito ay maaaring mag-iba ayon sa bilang ng mga miyembro ng pamilya o kung mayroong person with disabilities.
Bukod sa mga mamamayang Italyano oEuropeo, ang mga benepisyo ay ibinibigay din sa mga dayuhang mayroong regular na permesso di soggiorno. Ngunit ang ilan ay ibinibigay lamang sa mga mayroong permesso lungo soggiornanti at ang naninirahan sa Italya ng 10 taon at ang huling dalawang taon ay tuluy-tuloy.
Anu-ano ang mga benepisyo para sa mayroong mababang ISEE
Una na dito tulad ng unang inilathala ng akoaypilipino, ang bonus bollette di acqua, luce e gas na simula ngayong taong ito, ay matatanggap ng awtomatiko. Sapat na ang pagkakaroon ng mababang ISEE.
Bukod dito, ang benepisyo sa pagbabayad ng house bills partikular ang telephone bill. Ang discount na isinulong ng AGCOM ay nakalaan para sa serbisyo ng kategorya B, o ang mga serbisyong nakalaan sa domestic use. Ang kumpanya kung saan maaaring magamit ang benepisyo ay ang TIM.
Nakalaan din sa mga may mababang ISEE ang bonus conto corrente (base) na libre para sa lahat ng mga mamamayan na mayroong ISEE na mas mababa sa € 11,600, at ang mga pensioners na mayroong sahod na mas mababa sa €18,000 kada taon. Gayunpaman, ang conto corrente ay mayroong limitadong transaksyon.
Mayroon ding nakalaan para sa edukasyon. Ito ay tumutukoy sa esenzione pagamento di tasse scolastiche o exemption sa pagbabayad sa university taxes at buoni libri ngunit sa kasong ito, ang mga Comune at mga Rehiyon ang nagbibigay ng benepisyo sa pamamagitan ng bando.
Mayroon ding nakalaang agevolazione sanitarie o ang mas mababang bayarin sa pagpapagamot.
At ang pinakahihintay ng marami ay ang bonus affitto o ang tulong sa pagbabayad ng renta ng apartment. Ukol dito, ang Fondo per la Morosità Incolpevole ay nadagdagan ng 50M euro ngayong 2021, at mayroong access sa fund na ito ang mga hindi nakakatupad sa kasunduan ng pagbabayad ng upa ng apartment, halimbawa, ang mga nawalan ng trabaho.
Bilang panghuli, huwag nating kalimutan ang mga bonus na nakalaan sa mga pamilya tulad ng bonus bebè, bonus asilo nido, reddito di cittadinanza at iba pa.
Mayroon ding mga tulong sa mga higit na naapektuhan ng krisis tulad ng bonus spesa, reddito di emergenza at iba pa. (stranieriinitalia.it)