Parami nang parami ang report mula sa mga dayuhan na pansamantalang nahinto ang pagtanggap ng benepisyong Assegno Unico Universale dahil nasa renewal ang permesso di soggiorno.
Ito ay hindi makatarungan at hindi dapat mangyari, ayon sa Associazione per gli Studi Giuridici sull’Immigrazioen o ASGI. Dahil ang pagiging regular ng dayuhan ay nananatili sa buong proseso ng renewal ng nabanggit na dokumento, maliban sa pagkakaroon ng hadlang sa renewal.
Ayon pa sa asosasyon, ang hindi pagbibigay ng benepisyo ng INPS, sa panahon ng renewal ng dokumento ng dayuhan, bukod sa taliwas sa normatiba ng permesso di soggiorno, (partikular sa artikulo 5, talata 9bis ng TUI) ay taliwas din sa indikasyon mismo ng ahensya na nasasaad sa Mensahe n. 2951 ng July 25, 2022- “
Itinuturing na balido ang request ng renewal ng permesso di soggiorno, at ang mga karapatan ng dayuhan bilang regular ay nananatili hanggang sa matapos ang buong proseso nito. Nawawalan lamang ito ng bisa kung hindi magagawa ang renewal ng dokumento, at kung pawawalang-bisa ang dokumento”.
Bukod dito, isa pang kaso ang naglilinaw sa mga karapatan ng dayuhan habang nasa renewal ang permesso di soggiorno, isang apela alinsunod sa art. 700 cpc laban sa pagsususpinde sa pensione di invalidità.
Ayon sa Korte ng Lecce, “ang dayuhan na ginawa sa tamang panahon ang renewal ng permesso di soggiorno, ay hindi maaaring maapektuhan ang pagtanggap sa mga benepisyo dahil sa haba ng panahon ng renewal ng dokumento. Ang dayuhan ay itinuturing na regular ang paninirahan sa Italya at samakatwid ay may karapatang patuloy na matanggap ang mga benepisyong natatanggap na hanggang sa tuluyang magtapos ang proseso ng renewal”.