Oktubre 1 taong 2023, sa Piazza Manila Rome Italy, isang pangkalahatang pagtitipon at pag-aalay ng panalangin ang naganap para kay Mary Grace Duque, 42 anyos na Pilipina biktima ng hit and run. Naganap ang aksidente noong 27 Setyembre sa lugar ng Prenestina Roma at binawian sya ng buhay sumunod na araw sa ospital ng Policlinico Umberto I° Roma matapos ang maghapon na sya ay nasa coma.
Iba’t – ibang grupo at samahan ng mga Pilipino ang nag-alay ng mga panalangin, nakidalamhati at nagluksa sa sinapit na trahedya ng kababayang si Mary Grace. Nag-alay din ng mga bulaklak at nagsindi ng mga kandilang may itim na laso tanda ng pagluluksa, para sa katiwasayan ng kaluluwa at mga panalangin para na din sa mga naiwang mga kaanak at mga mahal nya sa buhay.
Pinamunuan ni Demetrio-Bong Ragudo Rafanan ang kaganapan at sa kolaborasyon na din ni Benette Ramirez, Liza Bueno at ng iba pang mga kababayan ay nairaos ng matiwasay ang pagtitipon at mababakas sa bawat isa ang lungkot at dalamhati dahil sa sinapit ng kababayan. Kasama din sa mga panalangin ang hinihinging hustisya na mapatawan ng karapat-dapat na hatol ang salarin.
Nag-alay ng panalangin si Sandy Acosta at nagbahagi din sya ng mga mabuting salita ng Diyos mula sa “Ekklessia” gayun din si Tony Sistona sa kanyang pamumuno ng pagdarasal at pagbabahagi ng salita ng Diyos mula sa “Revelation”.
Nagbigay din ng maiikling pananalita at nagpa-abot ng pakikiramay ang mga nag-organisa kasama si Teddy Perez sa mga kaanak ni Mary Grace.
Si Bong Rafanan ang nagbigay ng pangwakas na pananalita, nagbigay sya ng magandang balita na tutugon ang ating Embahada sa pagtulong sa pamilya ni Mary Grace. Hinikayat din nya ang lahat na makiisa sa panalangin at sa pagtulong sa mga kababayang nangangailangan.
Bilang pangwakas, isa-isang nagsindi ng kandila at nag-alay ng kanya-kanyang panalangin para sa katahimikan ng kaluluwa ni Mary Grace at sa hustisyang inaasam na makamit.
Kapansin-pansin ang isang batang babae na nakapila para sa pagsisindi ng kandila. Para daw po iyon sa Ninang Grace nya.
S L N Mary Grace
R I P Kabayan
(ni: Teddy Perez)