in

Pagtatapos ng Reddito di Cittadinanza, nagsimula na sa mga nakakarami!

Reddito di Cittadinanza Ako Ay Pilipino

Nagsisimula na ang pagtatapos ng Reddito di Cittadinanza sa nakakarami. Maraming mga beneficiaries ng kilalang ‘Reddito di Cittadinanza’ ang nakakatanggap ng SMS mula sa INPS kung saan nag-aabiso ng pagsususpinde sa pagtanggap ng tulong pinansyal dahil sa paglampas sa 7-buwang limitasyong itinalaga para sa taong 2023.

Tinatayang aabot sa 169,000 ang mga beneficiaries sa bansa ng Reddito di Cittadinanza, kasama ang mga Pilipino, ang nakatanggap kamakailan ng SMS mula sa Inps ukol sa paghinto sa pagtanggap ng buwanang tulong pinansyal mula sa gobyerno ng Italya, ang Reddito di Cittadinanza’. Ito ay batay sa inaprubahang Budget Law 2023 kung saan nasasaad ang pagtatapos sa pagtanggap ng buwanang benepisyo matapos ang 7 buwang tuluy-tuloy na pagtanggap nito sa taong 2023, mula Enero 2023. Ito ay bago ang tuluyang paghinto sa pagbibigay nito simula 2024.

Samakatwid, ang natanggap na banepisyo para sa buwan ng Hulyo ay ang huling matatanggap ng sinumang nakatanggap na ng benepisyo mula noong Enero. Ito ay ipinagbibigay-alam ng Inps sa mga beneficiaries sa pamamagitan ng SMS. Gayunpaman, mababasa sa SMS na patuloy itong matatanggap sakaling nasa ilalim ng proteksyon ng social welfare.

Bukod dito, dapat tandaan na ang Reddito di Cittadnanza ay regular at patuloy na matatanggap hanggang sa pagtatapos ng taon ng mga pamilya na mayroong menore de edad, PWD o may mga senior citizens mula 60 anyos.

Ang social welfare ng Italya ay hindi maaaring akuin ang lahat ng mga tumatanggap ng Reddito di Cittadinanza, partikular ang mga may edad mula 18 hanggang 59, na maaaring lumapit sa Centro per l’Impiego kung saan matutulungang maghanap ng trabaho.(PGA)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

13-anyos na buntis, pinagsamantalahan ng sariling ama sa loob ng ospital

“ASAP Natin ‘To” comes to Milan this September 10